APAT ang patay habang umabot sa 40 pasahero ang sugatan makaraang bumangga ang isang Valisno bus sa arko ng boundary ng Caloocan at Quezon City sa Quirino Highway dakong 7:20 a.m. kahapon.
Sa ulat ni Sr. Insp. Marlon Meman, hepe ng QCPD Traffic Sector 2, isa sa apat biktima ay kinilalang si Eduardo Agabon, 39, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlo pang namatay kabilang ang isang babae.
Dalawa sa mga biktima ang namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente habang ang dalawa ay nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Tala Hospital sa Caloocan City.
Ayon kay Senior Insp. Meman, ang sangkot na bus ay may plakang TXU-715 na minamaneho ni George Paciz, at may rutang Tungko-Baclaran at patungong Tungko, San Jose Del Monte, Bulacan.
Mabilis na tinatahak ng bus ang Quirino Highway nang mawalan ng kontrol ang driver na si Paciz kaya bumangga sa malaking konkretong arko o boundary marker sa pagitan ng Caloocan City at Quezon City.
Samantala, bunsod ng insidente ay agad sinuspendi ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prankisa ng 62 unit ng Valisno Express Bus sa loob ng 30-araw.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, bukod sa pagsuspendi ay kokompiskahin din ang mga plaka ng Valisno bus at isasailalim sa seminar, drug test at pakukunin ng police at NBI clearance ang mga driver nito.