New QCPD boss umiskor ng P1.5-M shabu
Almar Danguilan
August 11, 2015
News
NAKAISKOR agad ang bagong upong direktor ng Quezon City Police District (QCPD) na si Chief Supt. Eduardo G. Tinio ng P1.5 milyong halaga ng shabu makaraan maaresto ang tatlong bigtime pusher sa drug buy-bust operation sa lungsod.
Sa ulat kay Tinio, kinilala ang mga nadakip na sina Jamel Ismael, 29, ng Wawa St., Brgy. Sala-sala, Tanay Rizal; Romnick Riga, 22, at Mujib Abdulhamid, 21, kapwa ng Salaam, Quiapo, Maynila.
Ayon kay Chief Insp. Enrico Figuero, bagong hepe ng Disrict Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (DAIDSOTG), nadakip ang tatlo dakong 4:30 a.m, kahapon sa kanto ng Kanlaon St., at Quezon Ave., Brgy. Sta. Teresita, Quezon City.
Ayon kay Figueroa, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa aktibidad ng tatlo kaya agad nilang sinubaybayan.
Nang magpositibo, nagsagawa ng buy-bust operation ang tropa ni Figueroa kaya nadakip ang tatlo makaraan bentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P75,000 ang pulis na nagpanggap na buyer.
Nang madakip ang tatlo, nakompiskahan pa sila ng isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Most wanted tiklo sa 5 sachet ng shabu
ARESTADO sa limang sachet ng shabu ang no. 5 most wanted person sa inilatag na buy-bust-operation sa Marikina City kahapon.
Kinilala ni Senior Supt. Vincent Calanoga, hepe ng Marikina City Police, ang suspek na si Daniel Santos, ng Brgy. Calumpang sa nasabing lungsod.
Dakong 11:15 a.m. nang madakip si Santos sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs – Special Operations Task Group (SAID-SOTG) sa Kamunu St., Brgy. Calumpang, sa lungsod.
Nakuha sa suspek ang limang plastic sachet ng shabu at P500 marked money na ginamit ng mga awtoridad sa operasyon.
Nakatakdang kasuhan ang suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (R.A. 9165).
Ed Moreno
Ginang timbog sa shabu na nasa bra
KALABOSO ang 42-anyos ginang na dadalaw sana sa kanyang mister sa New Bilibid Prison (NBP) Maximum Security Compound makaraan makompiskahan ng shabu sa loob ng kanyang bra kamakalawa ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Dangerous Drug Law) ang suspek na si Elaine Maulat ”alyas Lyn” ng Vicar Village, Brgy. Poblacion ng natu-rang lungsod.
Sa ulat na natanggap ni Muntinlupa City Police chief, Sr. Supt. Allan Nobleza, nangyari ang insidente dakong 11:45 a.m. sa Visitation Services Unit (IVSU) ng Maximum Security Compound, NBP Reservation.
Dadalaw sana ang ginang sa kanyang mister na si Adrian Lacsa na nakakulong sa Dorm 4D-2 ng bilangguan.
Bago nakapasok sa kulungan, kinapkapan ni Prison Guard 1 Elvira Samonte ang ginang ngunit nakita sa loob ng kanyang bra ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu.
Agad inaresto si Maulat at makaraan imbestigahan ay dinala sa Muntinlupa City Police Station.
Jaja Garcia