Sino ang nagsasabi nang totoo sa INC?
Ruther D. Batuigas
August 9, 2015
Opinion
SINO nga ba ang nagsasabi ng totoo sa “Iglesia ni Cristo”?
Ayon kay Felix Nathaniel “Angel” Manalo, anak ng yumaong INC executive minister Eraño Manalo, nasira ang doktrina at maraming anomalya ang nagsimulang mangyari nang ang nakatatanda niyang kapatid na si Eduardo (Eddie) ang namuno noong 2009.
Siya at ang kanyang ina na si Cristina “Tenny” Manalo ay nananawagan ng tulong at suporta dahil nanganganib umano ang kanilang mga buhay. May mga ministro raw na dinukot at
ikinukulong hanggang sa ngayon. Itinanggi ng INC ang mga isiniwalat at itiniwalag ang mag-ina dahil sa paglikha ng pagkakahiwa-hiwalay sa samahan.
Kasunod nito lumabas naman ang isyu na bankrupt daw ang INC, ayon sa isang kasapi na 20 taon nang naging bahagi ng grupo. Nagpahayag si Joy Uson, dating administrative coordinator para sa TV ng INC, na ang korapsyon sa samahan ay nagsimula nang yumao si Eraño Manalo noong 2009 at palitan ng anak na si Eduardo.
Nagsimula raw humingi ng karagdagang pondo para sa kawanggawa ang INC sa pamamagitan ng Lingap Mamamayan fund drive, na wala sa panahon ng pamumuno ni Eraño.
“Gagamitin daw sa mga biktima ng bagyo nung nangyari ang Yolanda. Nanghingi pa sila ng panibagong pangkalahatan ng abuluyan sa buong Iglesia sa buong mundo. Nagbenta pa sila ng T-shirt. Nagbenta sila ng kung anu-anong bagay para umano itulong sa mga biktima. Saan napunta ang linggu-linggo naming abuluyan sa buong mundo?” tanong ni Uson.
Puwede umanong kumalap ng P1 bilyon pondo sa buong mundo batay sa bilang ng mga miyembro ng INC na nagbibigay ng kahit P30 kada linggo. May mga miyembro raw na kayang magbigay ng P1 milyon.
May mga opisyal daw ng INC na namumuhay ngayon nang marangya, nakahilera ang luxury cars, ang “mga asawa ay may signature bags na nagkakahalaga ng P30,000, P100,000 o P500,000. May mga ministro raw na pabalik-balik sa iba’t ibang bahagi ng daigdig para magbakasyon kasama ang buong pamilya.
Hinihimok niya ang pinuno ngayon na si Ka Eddie na tanggalin si INC auditor general Jun Santos at ang ibang miyembro ng Sanggunian dahil umano sa korapsyon.
“Winithdraw nila sa lahat ng bangko ng Iglesia na mga account. Kaya po ang Iglesia wala na pong salapi ngayon. Ang abuloy ng Iglesia ay pinapasok araw-araw sa Felix Y. Manalo Foundation na ang presidente ay si Jun Santos,” pagbubunyag pa ni Uson.
Hinihiling din niya kay Ka Eddie na kausapin ang ina nito na si Tenny Manalo na anim na taon na niyang hindi kinakausap. May sakit daw ito pero hindi niya ipinagagamot. Ibig bang sabihin nito ay hindi na kinausap ni Eddie ang kanyang ina mula nang pamunuan niya ang INC?
Kung totoong may nalabag na batas sa mga naglabasang isyu, mga mare at pare ko, ay dapat may magreklamo para malantad ang totoo. Hindi naman puwedeng pabayaan na lang ito.
Pakinggan!
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.