Saturday , November 23 2024

Subukan natin ang “subok na”

00 Kalampag percy

SA lahat nang lumulutang na presidentiables sa 2016 elections, si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pinakakuwalipikado.

Bakit kan’yo? Namumuhay ng tahimik at maayos ang pamumuhay ng mga residente ng Davao City kumpara sa Makati City na ang mga Binay at mayayamang pamilya lang ang komportable.

Sa katunayan, kamakailan ay kinilala ang Davao City bilang 5thsafest city in the world ng Numbeo.Com, isang crowd-sourced rating site.

Ibig sabihin, epektibo ang paggamit niya ng ‘kamay na bakal’ laban sa mga kriminal.

Idineklara rin ng gobyerno bilang Most Child-Friendly City ang siyudad, kaya’t sino ang hindi hahanga sa liderato ni Duterte.

Pero si Duterte ay hindi hayok sa karangalan tulad ng ibang opisyal ng gobyerno na nagbabayad pa sa survey firm para palabasin na popular sila sa taong bayan.

Tinanggihan niya ang nominasyon sa 2014 World Mayor Award dahil hindi siya tumatanggap ng ano mang parangal sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang alkalde.

Sabi nga ng isang pantas, “hindi titulo ang nagpapadakila sa tao, kundi tao ang siyang nagpapadakila sa titulo.”

Responsibilidad naman kasi aniya ng serbisyo-publiko ang ginagawa niya sa Davao City at hindi utang na loob ng publiko sa kanya.

Kaya isa tayo sa pangunahing nagpupunyagi na sana ay tumakbo sa 2016 presidential race si Duterte.

Kung track record ang pag-uusapan, walang kaduda-duda na wala sa kalingkingan niya ang maiingay na presidentables daw.

Walang bahid ng korupsiyon ang mahigit dalawang dekadang serbisyo ni Duterte sa gobyerno at siya ay namumuhay nang simple base sa kanyang kita.

May “balls” at tapang na  magpatupad ng batas kahit sino pa ang masagasaan, at higit sa lahat, kalaban siya ng mga tiwali sa gobyerno.

Pondo at Makinarya

HINDI biro ang kuwartang magagastos ng isang tatakbong presidente.

Ito ang problema ng mga matitinong politiko, gaya ni Duterte, kaya nauunsyami ang pag-asa natin na maranasan ang mapayapa at maunlad na buhay.

Pero iba ang usapan kung iwawaksi na ng mga “bobo-tante” ang kalakaran ng pagbebenta ng boto sa mga tiwaling kandidato at busisiin ang track record bago magsulat sa balota.

Bukod diyan, suriin din ang kanilang plataporma at sino ang mga nakapligid sa kanila.

Para kay Duterte, bukod sa paglaban sa krimen at graft and corruption, pangunahing dapat bigyan ng atensiyon ng susunod na pangulo ang agrikultura.

Kapag pinalakas nga naman ang sektor na ito, hindi na kailangan umangkat pa ng pagkain ang bansa kung ang presyo’y abot-kaya ng ordinaryong Filipino.

Kapag nangyari ito, sisigla ang ekonomiya sa mga probinsiya kaya maaengganyo ang probinisyanong nagtitiis ng kahirapan sa Metro Manila na bumalik sa lalawigan para maghanapbuhay.

Kasama tayo sa milyon-milyong umaasa na hindi basta tatalikuran ni Duterte ang ginintuang oportunidad na magsilbi sa buong bansa.

Mga kasabwat ni Wang Bo dapat panagutin, kasuhan

IPINATAPON na raw kahapon pabalik sa China ang crime lord na si Wang Bo, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Doon na lang ba basta matatapos ang istorya kay Wang nang walang pananagutin matapos lumikha ng kontrobersiya ang umano’y panunuhol niya ng bilyon-bilyong piso sa mga kongresista?

Si Wang ay nakapasok sa bansa kahit matagal nang kanselado ang kanyang Chinese passport dahil sa mga kasabwat na nasusuhulang empleyado at opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na masisiba sa kuwarta.

Ganoon na lang ba iyon, Secretary Leila de Lima?

Hindi ba ninyo iimbestigahan at kakasuhan kung sino ang mga kontak ni Wang sa BI na kasabwat niya kaya nakapaglabas-masok siya sa Filipinas?

Imposibleng walang muwang ang duty supervisor ng BI sa NAIA hanggang sa tanggapan ni Commissioner Siegfried Mison kaya naging pasyalan ng Chinese crime lord ang ating bayan. (‘Di ba, “Rico Baby” ng NAIA human smuggling operations divison?)

Kailangan din busisiin kung ano ang motibo ng polluted source ni Mison na tinagurian niyang “friend of the Chinese embassy” para magkalat ng koryenteng istorya ng suhulan sa mga kongresista para ipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Nasaan na ang pangako ni LP SecretaryGeneral at Mindoro Orinetal Gov. Alfonso Umali na ibubulgar niya ang lahat ng baho ni Mison?

Abangan!!!

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About jsy publishing

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *