Kaduda-duda na siya
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
August 7, 2015
Opinion
PARANG nagdududa na ako sa katapatan ni Senadora Grace Poe. Isipin na lamang na hanggang ngayon ay sinasabi niyang wala pa rin siyang desisyun kung siya ay tatakbo sa dara-ting na eleksyon sa 2016 bilang pangulo o ikalawang pangulo ng bansa.
Para siyang nakaloloko dahil basang-basa naman ang kanyang mga kilos na gusto niyang tumakbo tulad ng kanyang kaibigan na si Senador Chiz Escudero. Lumalabas tuloy na pareho lang pala si Senadora Poe ng mga pulpol na politiko o pul-politikong oportunista. Pansinin na kung sino-sino na raw ang “kumakausap” o kina-kausap niya, mula kay VP Jejomar Binay, Pres. BS Aquino, Sen. Chiz Escudero hanggang kay Mayor Erap Estrada; para “makumbinse” siyang tumakbo.
Sagwan dito, sagwan duon ang ginagawa ni Senadora Poe ayon sa mga balita. Ano ba yan, nag-iintay siya ng “magandang alok” mula sa mga pul-politiko? Kabaligtaran na yata ang ginagawa nila ni Senador Escudero sa kanilang mga unang ipinakita na sila ay bahagi ng makabagong henerasyon ng mga lider Pilipino.
Bukod sa kanyang “buking” na pagpapakipot ay hindi pa rin niya nireresolba ang mga isyu kaugnay ng kanyang “citizenship” at “residency,” mga mahahalagang kwalipikasyon para sa pagka-pangulo, ikalawang pangulo o senador ng republika.
* * *
Sa kabila ng mga drama at komedyang politikal na nagaganap, ang pinaka-huli ay yung pagkakatanghal kay Sec. Mar Roxas bilang opisyal na kandidato sa pagka-pangulo ng Liberal Party sa 2016 elections, may hinala ako na ng lahat ng ito ay lutong Macao na lamang lalo na’t kung ang pagbabatayan ay ang ating kasaysayan.
Tiyak ko na halos 98 porsyento ng sigurado na ang magiging pangulo ng bansa ay yung magsusulong ng neo-liberal agenda na siyang namamayagpag na kaayusang pang-ekonomiya sa mundo ngayon. Napaka-liit ng tyansa ng isang kandidato na magsusulong ng malayang programa, lalo na’t kung ito ay malayo sa siste na umiiral sa mga kanluraning bansa.
Pupusta ako na isang tulad ng espesyal na pangulong si Benigno Simeon Aquino III, na tagapamandila ng mga anti-mahirap na patakaran ng International Monetary Fund/World Bank sa ating bayan, ang susunod na titira sa Malacañang.
* * *
Kumakalat ang video na ito ng ABC News sa social media kung saan ipinakikita si US President Barack Obama, ang pangulo ng pinakamayaman at makapangyarihang bansa sa mundo, na siya mismong may dala ng kanyang payong habang malakas ang ulan. May sumukob pang da-lawang babae sa kanya habang siya ay papasok sa isang gusali mula sa isang helicopter.
(https://www.facebook.com/ABCNewsPolitics/videos/vb.184096565021911/772265522871676/?type=2&theater)
Kailan kaya magiging ganito ang ating mga pul-politiko at pinuno ng mga sekta’t simbahan?
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.