NANAWAGAN kahapon ang pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Manny V. Pangilinan sa lahat ng mga Pinoy na ipagdasal na mapunta sana sa Pilipinas ang pagdaraos ng 2019 FIBA Basketball World Cup.
Nakatakdang lumipad si Pangilinan patungong Japan ngayon upang dumalo sa pulong ng FIBA Central Board tungkol sa kung sinong bansa ang magiging punong abala pagkatapos ng torneong ginanap sa Espanya noong isang taon.
“Sana lang ipagdasal niyo kami. Sana mag-Tweet kayo, Facebook kayo, in support of #PUSO2019,” pahayag ni Pangilinan sa www.interaksyon.com/aktv. “It would be great to demonstrate FIBA na nagte-trend tayo, na mga Filipinos in social media promoting the Philippine bid. Makakatulong ‘yun.”
Ang Tsina at ang Pilipinas na lang ang mga bansang natitira para sa karapatang idaos ang World Cup.
Gagawin ang presentasyon ng dalawang bansa bukas simula 5:30 ng hapon at sa Linggo na malalaman ang bansang mananalo sa bidding.
Nanawagan din si Pangilinan na gawing trending topic sa social media ang #PUSO2019 mula ngayon hanggang Biyernes.
Ayon pa rin kay Pangilinan, magiging malaking tulong para sa ating bansa ang pagiging mahilig sa basketball at ang madalas na paggamit ng social media para sa pagdaraos ng FIBA World Cup.
Kapag nangyari ito ay awtomatikong lalaro ang Pilipinas sa torneo at hindi na ito dadaan sa mga qualification tournaments ng FIBA. (James Ty III)