19 arestado sa Caloocan shabu tiangge
Almar Danguilan
August 6, 2015
News
ARESTADO ang 19 indibidwal sa pagsalakay nang pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Highway Patrol Group (HPG), Special Weapons and Tactics (SWAT), at kinatawan ng Special Action Force (SAF) sa ilang bahay sa Donata Avenue, Brgy. Tala, North Caloocan nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Nakita ng mga operatiba ang 10 abandonadong yunit ng National Housing Authority (NHA) na ginagawang drug den ng mga suspek.
Bawat yunit ay may apat hanggang limang kwarto kung saan gumagamit ng droga ang mga indibidwal. Mayroon din counter para sa bilihan ng droga.
Sinasabing nabibili lang ang droga sa halagang P30 hanggang P50.
Inirekomenda ng CIDG ang pagsira sa mga abandonadong yunit upang hindi na muling gamitin bilang drug den.
Nakompiska sa lugar ang walong baril, isang granada, at dalawang hinihinalang nakaw na motorsiklo.
Isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng 14 search warrant dahil sa mga kaso ng gun for hire, illegal possession of fire arms, drug pushing at iba pang mga kaso.
2 bebot, minor tiklo sa drug bust
DALAWANG babaeng drug pusher at isang kasama nilang menor de edad ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa drug bust operation sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay QCPD Director, Chief Supt. Edgardo Gonzales Tinio, nadakip sina Saida Akmad, 28, ng Marawi City, at Jemary Velasco, alyas Julie, 24, tubong Pampanga, at kapwa residente ng Northville 3, Meycauayan, Bulacan. Habang ang 16-anyos na kasama nilang lalaking nadakip ay nakatakdang dalhin sa pangangalaga ng DSWD.
Naaresto ng District Anti-illegal Drugs Special Operations Task Group (DAID-SOTG) ang mga suspek dakong 4 p.m. kamakalawa sa North Avenue, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City.
Nadakip ang tatlo makaraan bentahan nila ng shabu na nagkakahalaga ng P2,000 ang pulis na nagpanggap na buyer.
Narekober sa mga suspek ang marked money at dalawang plastic sachet na shabu.