HABANG tumatagal ang NCAA Season 91 men’s basketball ay palayo na ang distansiya ng Letran sa mga kalaban nito.
Noong Biyernes ay naitala ng Knights ang kanilang ika-anim na sunod na panalo pagkatapos na pataubin nila ang Arellano University, 77-68, sa The Arena sa San Juan.
Tatlong laro pa ang natitira sa iskedyul ng Knights sa unang round ng eliminations ngunit para sa kanilang baguhang head coach na si Aldin Ayo, inaasahang hindi pa rin magri-relaks ang kanyang mga bata.
“We’re not going to be complacent,” wika ni Ayo. “Sabi ko sa kanila, habang nananalo kami ay lalong magiging mahirap. The more we win, mas malaking responsibilidad ang team kasi lumalaki ang expectations. We have to be up to the challenge.”
Nagbida si Kevin Racal sa kanyang 24 puntos para sa Letran na huling nagkampeon sa NCAA noon pang 2005.
Susunod na makakalaban ng Knights ang Lyceum sa Martes at pagkatapos ay haharapin nila ang Emilio Aguinaldo College at Mapua sa pagtatapos ng first round.
“It’s getting tougher and tougher for us,” ani Ayo. “Sinabi ko sa mga bata, kailangang pagandahin ang halfcourt offense namin. I can say na 50 per cent ang grado ko sa execution kasi marami pa kaming mga lapses. Most of our points ay mula sa turnovers ng kalaban and against Arellano, we were very patient sa opensa at depensa.”
Ang huling paaralan sa NCAA na nagkampeon na walang talo ay ang San Beda noong 2010 sa pangunguna nina Garvo Lanete, Jake Pascual at Dave Marcelo.
Kung wawalisin ng Letran ang elims ay papasok ang Knights sa finals kaagad at dalawang panalo ang kailangan nila upang magkampeon habang magkakaroon ng stepladder ang tatlo pang koponang makakapasok sa Final Four. (James Ty III)