MARAMI ang tatamaan sa oras na maipasa ang “Anti-Dynasty Bill” na ipinanawagan ni Pres. Noynoy Aquino sa huli at pinakamahaba niyang “State of the Nation Address (Sona)” na inabot nang dalawang oras at siyam na minuto noong Lunes.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang pag-endorso ni P-Noy sa Anti-Dynasty Bill ay para matuldukan ang pamamayagpag ng mga damuhong buwaya sa kapangyarihan, kaya ang lahat ng puwede nilang itulak para tumakbo sa kanilang pamilya at mga kaanak ay ginagawa.
Sa totoo lang, ang pangamba na ang susu-nod na magiging pangulo ay aabuso lang sa puwesto ang dahilan kung bakit hindi pumayag si P-Noy sa term extension.
“Hindi tayo nakasisiguro na malinis ang intensiyon ng susunod, o kung nais lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa pansariling interes,” pahayag ng Pangulo.
Ang pumasok agad sa isip ng mga nakarinig sa mga sinabi ni P-Noy ay si Vice Pres. Jejomar Binay, na ang asawang si Elenita ay dati ring naging alkalde ng Makati.
Pero hindi pa nakontento ang mag-asawang Binay sa nangyaring iyon kaya ang kanilang mga anak ay pare-parehong nakapuwesto ngayon. Mantakin ninyong si Junjun ay alkalde ng Makati, si Abby ay kongresista samantalang si Nancy ay senador.
Salungat si Binay sa limitasyon at ang mungkahi pa nga ay payagan ang reelekyson ng mga gustong kumandidato nang “one to sawa.”
Isa pa sa mga tiyak na tatamaan sa Anti-Dynasty Bill ay walang iba kundi ang matalik na kaibigan ni Binay na si dating Pangulo at kasalukuyang Mayor Joseph “Erap” Estrada at ang kanyang pamilya.
Ang mga anak niyang sina Jinggoy at JV ay kapwa senador. Minalas nga lang si Jinggoy dahil nakapiit ito ngayon sa pagkakasangkot sa kontrobersyal na “pork barrel scam.”
Ang ina ni Jinggoy na si Dr. Loi Estrada ay dati rin naging senador at may mga tsismis na kapag nagdesisyon si Erap na muling kumandidato para pangulo, ay si Loi ang kanyang patatakbuhin para alkalde ng Maynila. Ang alkalde ng San Juan ay walang iba kundi si Guia Gomez na ina naman ni JV.
Kung ang Makati ay hindi na nakawala sa pamumuno ng mga Binay ay ganoon din ang San Juan sa kamay ng mga Estrada. Ang tanging tsansa lang ng mga mamamayan para makitang ma-tutuldukan at tuluyang matitigil ang ganitong sistema ng pamamayagpag ng mga magkakamag-anak sa politika ay kung may batas na magbabawal nito.
Alalahaning si P-Noy ay nagmula rin sa lahi ng mga Aquino at Cojuangco na pawang nasa mundo ng politika. Pero sa kabila nito, mga mare at pare ko, ang mapoprotektahan ang higit na nakararami mula sa kamay ng mga buwayang mapang-abuso at ayaw bumitiw sa kapangyarihan ang inalala ng Pangulo kaya nais niyang maipasa ang Anti-Dynasty Bill.
Tandaan!
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
BULL’S EYE – Ruther Batuigas