TULOY na ngayon at bukas ang ikalawang edisyon ng FIBA 3×3 World Tour Manila Masters na lilipat mula sa SM Megamall patungong Robinson’s Place Manila .
Tatlong koponan mula sa Pilipinas ang kasali sa torneo sa pangunguna ng defending champion na Manila West nina Terrence Romeo, KG Canaleta, Rey Guevarra at Aldrech Ramos.
“Mas mahirap ngayong taong ito, pero positive pa rin kami,” wika ni Romeo tungkol sa tsansa ng kanyang koponan na tumalo sa Qatar noong isang taon upang makaabante sa FIBA World 3×3 Masters na ginanap sa Japan kung saan umabot sila sa quarterfinals.
Kasali rin sa torneo ang Manila South na kasama ang apat na bata mula sa Cebu na nagkampeon sa Talk n Text Tatluhan noong Abril, pati na rin ang Manila North nina Calvin Abueva, Vic Manuel, Karl Dehesa at Troy Rosario .
Kasama sa Pool D ang Manila West, Manila South at Auckland ng New Zealand samantalang nasa Pool B ang Team Ljubljana ng Slovenia at Team Beirut ng Lebanon .
Ang iba pang mga kasali sa torneo ay ang NoviSad AlWahda ng United Arab Emirates, Medan, Indonesia at Longshi, China sa Pool A at ang Team Doha ng Qatar, Kobe, Japan at Kaohsiung, Chinese Taipei sa Pool C.
Ang ikalawang araw ng torneo bukas ay mapapanood nang live sa TV5 mula ala-una ng hapon hanggang alas-sais ng gabi.
(James Ty III)