PATAY ang isang 45-anyos caretaker makaraan atakehin sa puso nang masunog ang binabantayang bodega ng tela kahapon ng umaga sa Valenzuela City.
Hindi na umabot nang buhay sa Valenzuela Emergency Hospital ang biktimang si Nicanor Crisostomo.
Batay sa impormasyon mula kay FO2 Noralyn Agudo ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Valenzuela City, dakong 11:37 a.m. nang simulang lamunin ng apoy ang Larry’s Curtain Warehouse sa Cabatuhan St., Brgy. Ugong ng naturang lungsod, pag-aari ng isang Henry Ong.
Sinasabing nagsimula ang apoy sa tumalsik na baga mula sa nagwe-welding sa katabi nitong pabrika at bumagsak sa mga telang nakatambak sa bodega kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Tinatayang P4.5 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok sa halos tatlong oras na sunog sa nasabing warehouse.
Dakong 1:36 p.m. nang ideklarang fire under control ang sunog na umabot ng Task Force Bravo.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
(ROMMEL SALES)