Suspek sa pagpatay, pagsunog sa bebot sa Zambales, nasa US na
jsy publishing
July 30, 2015
News
OLONGAPO CITY– Isa sa dalawang suspek sa pagpatay at pagsunog sa 23-anyos babae sa lungsod na ito, ang pinaniniwalaang nakaalis na patungong Amerika, isang araw makaraan ang ginawang krimen.
Ang Fil-Am na si Jonathan Dewayne Ciocon Viane, 29, may-asawa, at residente ng San Isidro, Subic, Zambales, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Karie Ces “Aika” Mojica, natagpuang wala nang buhay sa San Felipe, Zambales nitong nakaraang linggo.
Isang kaibigan ni Viane na kinilalang si Niño Dela Cruz, taga-Subic din, itinuturong kasabwat sa krimen, ang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Sa press conference, sinabi ni Olongapo Mayor Rolen Paulino, si Viane ay nakaalis na ng bansa sakay ng Eva Air flight BR272 patungong Alaska via Colorado, United States noong Linggo, Hulyo 26, tatlong araw na mas maaga sa takdang flight schedule na Hulyo 29.
Ang mga suspek ay tinukoy ng isang Claire, 17, sinasabing girlfriend ni Viane, nagsumbong sa pulis makaraan aminin sa kanya ni Viane na pinatay niya si Mojica at sinabing “malinis ang pagkakatrabaho” sa biktima.
Ayon kay Claire, nakipagkita si Viane kay Mojica upang komprontahin kaugnay ng mga sabi-sabi na nagsusumbong siya sa asawa ni Viane na nasa Amerika.
Mula noon ay hindi na nakauwi si Mojica hanggang matagpuan ang bangkay niya sa San Felipe noong Hulyo 25.
Sa ulat ng San Felipe Police, ang biktima ay may tatlong tama ng bala sa ulo at sinunog. Tatlong basyo ng .9mm ang nakita sa crime scene.
Kaugnay nito, nag-alok si Mayor Paulino ng P50,000 pabuya sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Dela Cruz upang maaresto ang suspek.
Samantala, inihayag ng ama ng biktima na ang kanyang anak ay pinatay bunsod nang pagtatangka ni Aika na makakuha ng impormasyon kaugnay sa kinaroroon ng anak na babae ni Viane. Si Aika ay matalik na kaibigan ng dating misis ni Viane na si Lian na nasa Amerika.
Sinabi ni Joser Mojica, ama ni Aika, nagpadala ng pera si Lian sa biktima upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan para maimbita ang kasintahan ni Viane na si Chloe.
Ito ay upang makakuha ng impormasyon kay Chloe kaugnay sa kinaroroonan ni Viane at ng anak ng suspek na itinakas patungo sa Filipinas nang walang permiso mula sa inang si Lian.
Ngunit itinanong sa text ni Viane kay Chloe kung sino ang mga kasama niya sa birthday party. Nang banggitin ni Chloe na kasama si party si Aika ay sinabi ng suspek na kakausapin niya ang biktima.
Nagkasundo sina Aika at Viane na magkita ngunit pagkaraan ay natagpuang wala nang buhay ang biktima.
Claire Go