“GUSTO nilang maglakad ako at pasalamatan para sa ginagawa kong awareness,” pahayag ni Allan Doyle sa panayam ng Cost News. ”Para sa akin, naglalakad ako bilang pag-alala sa aking maybahay, ngunit nagtitipon ang mga tao para gawin itong espesyal. At itinuturing nila itong personal para sa kanila, na hindi ko inaasahang gagawin nila—na tatanggapin ako ng mga tao sa ganitong paraan.”
Bukod sa kanyang paglalakad nang mahigit 650 milya, nagpa-fundraising din si Doyle sa pangalan ng kanyang asawang si Eileen, at sa kasalukuyan ay nakalikom na ng US$4,065 para ibili ng mga blanket, laruan at iba pang item na kanyang ido-donate para sa mga kabataang may sakit na kanser.
Nagsimula ang paglalakad ni Doyle noong Hunyo 6 sa Rancho Obi-Wan, ang unofficial Star Wars ‘museum’ na minamantine ni Stephen J. Sansweet, may-ari ng pinakamalaking koleksiyon sa mundo ng mga souvenir mula sa pelikulang Star Wars.
Simula noon, naglakad si Doyle ng 20 milya kada araw, at kung minsan pa nga ay umaabot ng 45 milya, tulak ang jogging stroller na naglalaman ng kanyang gear: isang tulugan, upuan, tarp at iba pa niyang pangangailangan.
Nakadalo siya sa Comic-Con weekend sa San Diego sa mabuting kalooban ni Sansweet na nagbigay sa kanya ng pass para makapunta rito, bukod sa apat na araw na libreng pagtira sa isang hotel na pinopondohan ng 501st Legion, isang charitably minded organization ng mga Star Wars cosplayer.
Sa pagbalik niya mula sa San Diego, inaasahang tutuloy si Doyle para tawirin ang Golden Gate Bridge kasama ang buong garrison ng mga naka-costume na Stormtrooper mula sa 501st.
Kinalap ni Tracy Cabrera