TINUTULAN ng grupong National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP) ang MRT Bus project na inilunsad nang hindi lubhang napag-aralan.
Layon ng naturang proyekto na maibsan ang mahahabang pila sa tren ng MRT.
Mula Lunes hanggang Biyernes, simula 6 a.m. hanggang 9 a.m. ang biyahe ng mga MRT bus na may apat na ruta: North Avenue hanggang Ayala; North Avenue hanggang Ortigas-Shaw; Quezon Avenue hanggang Ayala; at Quezon Avenue hanggang Ortigas-Shaw.
Diretso sa destinasyon ang mga bus na hindi pwedeng magsakay ng pasahero sa ibang lugar. Pareho rin ang pamasahe na ibabayad ng mga pasahero ng MRT sa 40 bus na kalahok sa proyekto.
Pinulaan ni (NCCSP) president Elvira Medina ang proyekto at idiniing: “Ang nakikita po namin dito, napakalaki po ng kanilang kakulangan sa pag-aaral ng commuters’ behavior.”
Aasa pa rin aniya ang mga commuter sa MRT dahil hindi tumbok ng ruta ng MRT Bus ang pinanggalingan o point of origin nila.
Anya, “Kailangan kasi manggagaling sa point of origin kasi ‘yung mga tao ngayon, sumasakay sa UV Express papunta sa MRT kasi wala rin silang sasakyan na buses na dire-diretso. Pero kung may sasakyan silang bus na magsisimula sa kanilang point of origin, hindi na nila kailangan sumakay sa MRT.”
Dagdag ni Medina, “Ang commuters, tatangkilin ‘yan kung katulad nang dati nilang kinagawian na mula sa kanilang point of origin, for example po sa Commonwealth or sa Alabang or sa Navotas, sila’y makasasakay na ng bus.”
Naniniwala rin siya na bukod dito ay makapagpapasikip pa sa trapiko ang mga bus na hindi na pipiliing sakyan ng publiko.
“Iayos na lang nila ‘yung mga dating prangkisa, turuan nila kung ano ang dapat gawin dahil ‘yun pong mga ‘yun ay nakagawian na ng commuters. Mayroon na silang behavioral pattern na sinusunod.”