NANGAKO ang Executive Director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na si Renauld “Sonny” Barrios na sa susunod na linggo malalaman ang listahan ng mga manlalarong kasama sa national pool ng Gilas Pilipinas ni coach Tab Baldwin para sa FIBA Asia Championships sa Tsina sa Setyembre.
Sa lingguhang forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Shakey’s Malate, sinabi ni Barrios na hindi muna ilalabas ng SBP at ng Philippine Basketball Association (PBA) ang buong listahan ng 26 na manlalaro ng PBA na mag-eensayo sa loob lang ng ilang linggo bago sumabak ang Gilas sa FIBA Asia dahil ilan sa mga manlalarong dapat kasama sa listahan ay baka hindi mag-ensayo dahil sa iba’t ibang mga dahilan.
Si June Mar Fajardo na dati’y sigurado sa listahan ay may sakit sa paa at nagpapahinga ngayon sa Cebu pagkatapos na dalhin niya ang San Miguel Beermen sa titulo ng PBA Governors’ Cup habang si Marc Pingris naman ay nagbabakasyon sa Pransya kasama ang ilan niyang mga kamag-anak.
“We have to respect the personal decision of the players with regards to them joining the national team,” wika ni Barrios. “Hopefully, by Monday, August 3, there will be some movement in announcing the national pool. What I can say is that the PBA is helping us very much in getting the players that we want for our national team. Kaunting pasensiya na lang, ilalabas na natin ang lineup.”
Idinagdag ni Barrios na ang tanging sigurado para sa Gilas ay ang naturalized na manlalarong si Andray Blatche na naglaro sa RP team sa FIBA World Cup sa Espanya noong isang taon.
“Blatche still has a contract to play for Gilas and in fact, we’ve already looked for a place for him to stay while he is practicing with the national team,” ani Barrios.
Idinagdag ng opisyal ng SBP na tatapusin muna ang FIBA 3×3 Manila Masters sa Sabado at Linggo sa Robinson’s Place Manila bago ilabas ang listahan ni Baldwin para sa Gilas.
Kasama ang defending champion Manila West nina KG Canaleta, Terrence Romeo, Aldrech Ramos at Rey Guevarra ang Auckland ng New Zealand at Manila South.
Nasa Pool B naman ang Manila North nina Calvin Abueva, Vic Manuel, Troy Rosario at Karl Dehesa kasama ang Team Ljubljana ng Slovenia at Team Beirut ng Lebanon.
“Mas mabigat ang kalaban sa FIBA 3×3 this year because all the other teams are building up,” pagtatapos ni Barrios.
(James Ty III)