Flood Catchment sa UST idinepensa
jsy publishing
July 30, 2015
News
IPINAGTANGGOL ng Palasyo ang plano ng gobyernong maglagay ng catchment area sa University of Sto. Tomas (UST) dahil mas dapat manaig ang kaligtasan ng publiko sa isyu ng pagbaha kaysa pangamba ng unibersidad na masira ang kanilang open field na idineklarang historical landmark.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang balak ng pamahalaan na magtayo ng catchment area sa UST ay batay sa siyentipikong pag-aaral na napatunayan na.
“This is a situation where the interest and the safety of many should prevail over the concerns of, unfortunately, a university… Why is it difficult for us and for all the people involved to join and cooperate in building that catchment area?” ani Lacierda.
Sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, binatikos ni Pangulong Benigno Aquino III ang hindi tinukoy na unibersidad na humahadlang sa implementasyon ng unang yugto ng flood control plan.
“Para matugunan ang madalas na pagbaha sa Maynila, isinulong natin ang pagpapagawa ng catchment area; pero tumutol po rito ang isang malaking unibersidad. May lumang gusali daw kasi silang baka maapektohan,” aniya.
Tinuligsa ng administrasyon at alumni ng UST ang pagtatayo ng catchment area sa loob ng unibersidad bunsod ng usaping pang-seguridad , posibleng makaperhuwisyo sa kanilang mga aktibidad at makaaapekto sa historical at cultural significance nito.
Paliwanag ni Lacierda, ang kapakanan lang ng publiko ang pinoprotektahan ng Pangulo dahil ang UST area ang pangunahing binabaha kapag malakas ang buhos ng ulan.
“Does it make sense for government to put a catchment area in a place where it is a given fact na kapag malakas ang ulan, binabaha ang area na iyon? Does it make sense for the President, as ama ng bayan, to protect citizens who traverse España? Is it too much to ask to put a catchment area and make sure that the lives of people who are there are protected? Is it too much to ask for the President to protect the welfare of Filipinos?” aniya pa.
Rose Novenario