Filipino ang wika ng pambansang kaunlaran (Sa Buwan ng Wikang Pambansa 2015)
jsy publishing
July 28, 2015
News
PUNO ng mga makabuluhang gawain at aktibidad ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto 2015. Sa pa-ngunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang pagdiriwang ay may temang Filipino: Wika ng Pambansang Kaunlaran.
Opisyal na bubuksan ng KWF ang pagdiriwang sa unang linggo sa pamamagitan ng pagtataas ng watawat sa Agosto 3 sa Lungsod Taguig. Tampok din sa unang linggo ng buwan ang pagdaraos ng makasaysayang Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong Wika na gaganapin sa Sison Auditorium, Lingayen, Pangasinan mula Agosto 5-7.
Bukod sa kongreso, magdaraos din ang KWF ng serye ng seminar sa korespondensiya opisyal na gaganapin sa iba’t ibang ahensiya at lokal na pamahalaan. Kikilalanin naman ang mga indibidwal na nagwagi sa Gawad sa Sanaysay at bibigyan ng gawad gaya ng Dangal ng Wika, Kampeon ng Wika, Ulirang Guro sa Filipino sa KWF Araw ng Gawad na gaganapin sa 19 Agosto, Sulo Riviera Hotel. Sa Agosto 24, ilulunsad ng KWF ang mga bago nitong aklat na nasa ilalim ng Aklat ng Bayan sa Pambansang Museo
Ang mga Sentro ng Wika at Kultura (SWK) at ilang kolehiyo at pamantasan ay magkakaroon din ng kani-kanilang paraan ng pagdiriwang. Magsisimula ang unang salto ng mga patimpalak ang tagisan ng talino, pagsulat ng islogan, at paggawa ng poster na gaganapin sa Western Mindanao State University. Pagkaraan ng panayam sa Lyceum of the Philippines University sa 11 Agosto, idaraos ang Uswag: Dangal ng Filipino sa Island Garden City ng Samal sa 12–14 Agosto. Sa 14 Agosto, na ika-24 taóng anibersaryo ng KWF, magkahiwalay na magaganap ang pagtatanghal ng mga dulang Ilonggo sa Western Visayas State University at Kumperénsiyá sa Wika at Panitikan sa Bulacan State University.
Magiging mahalagang bahagi ng okasyon ang mga patimpalak. Sa 17 Agosto, magkakaroon ng kontest para sa pagsulat ng sanaysay sa Western Mindanao State University. Sa 19 Agosto, magtatagisan ang mga kalahok para sa masining na pagkukuwento at dagliang talumpati sa West Visayas State University at magpapatalbugan din ng kani-kanilang kasuotan ang mga kalahok para sa sayaw at kasuotang Tausug; ang mga mambabalagtas ay magpapasiklaban sa timpalak balagtasan sa Western Mindanao State University sa 21 Agosto.
Idaraos ang magkasunod na forum sa Ortograpiya sa Sulu State University sa 26–27 Agosto. Kasabay nitong magaganap sa 26–28 Agosto sa Ateneo de Manila University ang “ASEAN Literary Forum” ng Unyon ng Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).
Magtatapos ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika sa Ateneo de Manila University sa 29 Agosto sa gagawing “Kongreso ng mga Manunulat” na pangangasiwaan ng UMPIL.O