MAPAPANOOD na ngayong Lunes ang pinakabagong daytime teleserye ng ABS-CBN na pinamagatang Ningning. Makikita rito ang kagandahan ng buhay, pangarap, at tunay na kahulugan ng kaligayahan. Ang teleseryeng ito na mula rin sa mga gumawa ng ‘di malilimutang kuwento ng Be Careful With My Heart at Oh My G ay pagbibidahan ng Kapamilya child actress na si Jana Agoncillo.
Matapos makilala ng mga manonood sa charming primetime teleserye na Dream Dad, bibigyang buhay naman ni Jana sa pinakabagong feel-good Prime-Tanghali teleserye ng ABS-CBN ang karakter ni Ningning, isang masayahing bata na puno ng pag-asa, pangarap, at pagmamahal para sa kanyang mga magulang na sina Lovely (Beauty Gonzales) at Dondon (Ketchup Eusebio).
Dapat abangan ng mga manonood na sa gitna ng masayang mundong ginagalawan ni Ningning at ng kanyang pamilya ay unti-unting susubukin sila ng isang malaking pangyayari. Kaya pa bang maging maningning ng kanilang buhay sa gitna ng mga pagsubok na ito?
Ayon sa direktor ng programa na si Jeffrey Jeturian, bilib siya kayJana dahil sa husay nito bilang isang artista. “One of a kind star si Jana. Bukod sa may talent siya, napakatalino niya para sa edad niya. Alam niya ang ginagawa niya at palagi siyang handa sa mga eksena na gagawin niya. Kabisado niya hindi lang ang mga linya niya kundi pati ng mga artistang ka-eksena niya. Ganoon siya ka-smart.”
Kasama rin nina Beauty, Ketchup, at Jana sa Ningning sina Sylvia Sanchez, Vandolph Quizon, Nyoy Volante, Rommel Padilla, Mercedes Cabral, Pooh, at John Steven de Guzman. Tampok din sina Nonie Buencamino at Franco Daza para sa kanilang espesyal na partisipasyon.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio