Kontrobersya sa INC
Ruther D. Batuigas
July 25, 2015
Opinion
NABABALOT ngayon ng kontrobersya ang religious group na Iglesia Ni Cristo (INC) na kinasasangkutan ng mismong pamilya ng namumuno rito.
Mantakin ninyong ayon kay Felix Nathaniel “Angel” Manalo, anak ng yumaong INC executive minister Eraño Manalo, nasira ang doktrina at maraming anomalya ang nagsimulang mangyari nang ang nakatatanda niyang kapatid na si Eduardo (Eddie) ang namuno noong 2009.
Nakatatanggap din umano sina Angel ng mga pagbabanta mula sa Sanggunian o mga adviser ng INC na nagsasabing lumalaban sila sa pamamahala. Hindi raw sila lumalaban kundi nakikiusap sa kanilang kapatid na huwag maniwala sa Sanggunian.
Ang pondo raw ng Iglesia mula sa mga abuloy ay nauubos sa malalaking proyekto tulad ng Philippine Arena sa Bulacan, sa halip na magpagawa ng kapilya.
Tulad ni Angel, ang kanyang ina na si Cristina “Tenny” Manalo ay itinawalag sa INC noong Huwebes dahil sa kanilang mga ibinunyag.
“Sa lahat po ng mga ministro at manggagawa po ng Iglesia ni Cristo, ako po ay nakikiusap na manindigan po tayo,” ang panawagan ni Angel sa ibang mga miyembro ng INC.
Hinimok din niya ang mga kasapi na mag-vigil sa labas ng tahanan ng mga Manalo.
Inamin niya na totoo ang mga pagdukto pero hindi raw iyon nagaganap sa kanilang tahanan kundi sa labas. May mga nawawalang ministro na hindi nila alam kung saan napunta.
Inamin ni Isaias Samson Jr. na nakatakas siya sa mga armadong lalaki na nagbabantay sa kanyang tahanan. Si Samson ang dating editor-in-chief ng official publication ng INC.
Inakusahan daw siya ng mga lider ng samahan na sumulat ng blog na naglandtad sa korupsiyon at iregularidad sa loob ng Iglesia. Sinuspinde siya bilang ministro, inalis sa publication at pina-detain kasama ang pamilya sa compound na malapit sa central office ng INC.
Ang nagaganap sa INC ay puwedeng lumala. Nahaluan na ito ng mga isyu ng abduction at illegal detention. Hindi ito puwedeng balewalain, mga mare at pare ko, lalo na’t ang mga nagbunyag ng sinasabing iregularidad ay ina at kapatid ng pinuno nito na si Ka Eddie.
Ang INC ay sinimulan ni Felix Manalo na siya ang executive minister noong 1914. Nang yumao siya noong 1963, ang kanyang anak na si Eraño Manalo ang namuno nito. At nang sumakabilang-buhay noong 2009 ay pinalitan siya ng kanyang anak na si Eduardo Manalo.
Ano ang magiging dating sa mga kasapi kung ang mismong pamilya Manalo ang nagkakagulo?
Manmanan!
***
PUNA: “Dapat fair at patas ang mga pulis sa nangyayari sa Iglesia ni Cristo. At Director Pagdilao, gamitin mo ang iyong pulis knowledge. Bakit di na kayo pahintulutan na pumasok sa kanilang kapilya? Totoo na ang yaman ni Ka Manalo na galing sa donations, contributions ng kanilang members. Communistic act ang pamunuan ng Iglesia ngayon. Di tulad noon na maaliwalas at maayos, May kurapson talaga sa pamunuan ng Iglesia ngayon. ‘Yan ang katotohanan, help us God. Ako’y 27 years member ng INC, Quezon City.”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.