ISANG dahilan kung bakit nangunguna ngayon ang Perpetual Help sa team standings ng NCAA Season 91 ay ang mahusay na laro ni Earl Scottie Thompson.
Napili ng NCAA Press Corps si Thompson bilang Player of the Week dahil sa kanyang mga kontribusyon noong isang linggo kung saan napanatili ng Altas ang kanilang malinis na kartang apat na sunod na panalo at manguna sa team standings.
Sa panalo ng Perpetual kontra San Sebastian ay nagtala si Thompson ng 21 puntos, 15 rebounds at 14 assists habang sa panalo nito kalaban ang Mapua ay humataw siya ng siyam na puntos, 12 rebounds at 10 assists.
“Alam ko naman kasi kung gano sila magpakahirap sa practice kaya talagang hinahanap ko sila. Lahat naman may tiwala ako, di ako namimili ng papasahan. Kung sino yung bakante talaga, lagi kong sinasabi sa kanila na ready to shoot lang sila,” wika ni Thompson na miyembro ng Sinag Pilipinas na nanalo ng gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Singapore noong Hunyo.
Natutuwa si Altas coach Aric del Rosario sa ipinapakita ni Thompson sa kampanya ng Altas.
“Sa status ni Scott, pwede na siyang magbuwaya e. Pero mahal nya mga kasama niya, kaya talagang pag may opportunity na ibigay sa mga kakampi niya, pinapasa niya,” ani del Rosario. “Talagang kahit anong narating niya, team player pa rin siya. Yun talaga ang kagandahan sa kanya.”
(James Ty III)