HINDI ko kilala kapwa sina Migz Haleco at Maya, ang tanging alam ko’y sila ang pinakabagong alaga ng PPL Entertainment Inc. ni Perry Lansingan. May mga nagsabi lang sa amin na magaling na singer si Maya at guitar genius naman itong si Migz.
Kaya naman nang imbitahin kami ni Rose Garcia, publicist ng PPL para sa Migz.Maya.Merged show ng dalawa sa 19 East last Friday ‘di ko alam kung ano ang mae-expect.
Unang salang ni Migz, napatunayan kong bukod sa magaling nga itong maggitara, malakas din ang dating. Tama ang tinuran ng pamangkin kong si Hannah Faith na magaling at pinagkaguluhan ito nang minsang tumugtog o mag-concert sa kanilang school sa Mirriam College. Gumawa pa nga raw sila ng fan club para sa binata.
Agad ding kaming humanga sa ganda at galing ng boses ni Maya. Na habang tumataas ang tono ng kinakanta, lalong nagiging powerful ang boses. Tiyak na may future ang batang ito mabigyan lang ng magandang break.
Sa kabilang banda, matagumpay ang Migz.Maya. Mergedshow. Napuno nila ang 19 East at nag-enjoy ang mga nanood sa kanila dahil magagandang awitin ang inihatid nila at ipinarinig. Idagdag pa ang dalawang musician na sumuporta sa kanila, sina Jay Durias at Gloc 9. Kaya lalong panalo ang gabing iyon.
Hindi naman pala kataka-takang maging magaling na gitarista itong si Migz dahil edad 14 pa lamang ay tumutugtog na. Sumali pa siya noong 2006 sa Talentadong Pinoy at pagkaraan ay at saka pa lamang niya inaral ang pagkanta.
Hindi na rin bago sa 6 footer good-looking Caviteno ang tumugtog dahil madalas na siyang mag-show/concert sa mga campus at kilalang-kilala na pala siya iba’t ibang social media site tulad ng Youtube at Sound cloud. Patuloy ngang dumarami ang mga like and views ng kanyang Youtube at Sound cloud kaya naman isa na rin siyang internet sensation ngayon.
Ang orihinal niyang komposisyo ng Losing It na may maraming views at likes sa Youtube ay isa sa mga ipinarinig ni Migz sa kanilang show ni Maya. Kinanta rin niya ang Ikaw ni Yeng Constantino. Sa kabuuan matagumpay namang naipakita ni Migz ang kanyang talento.
Samantala, miyembro pala ng Blush itong si Maya. Ang Blush ay isang Pan-Asian vocal group na binubuo ng mga miyembrong mula sa China, India, Japan, Korea, at Pilipinas. Nakapag-perform na sila kasama sina Justin Bieber, Black Eyed Peas, Jessie J, Diana Ross, Janoskian, at The Wanted sa iba’t ibang concert abroad.
Kaya naman pala sanay na sanay na o maning-mani na ang mag-concert kay Maya. Kahanga-hanga nga ang galing niya sa mga kantang ipinarinig niya tulad ng Every Woman na orihinal na kanta ng kanilang grupong Blush, gayundin ang XO at Halo ni Beyonce. Tunay na isang International Pop Diva nga itong si Maya.
Naka-season break ang grupo ni Maya na Blush kaya naman sinubukan niya ang local entertainment para maipakita naman niya sa atin ang galing niya sa musika.
At sa tagumpay ng kanilang show sa 19 East, hindi nakapagtatakang masundan pa ito. At sila ang mga bagong mukha sa music industry na dapat abangan. At hindi kalabisang sabihing, gem sila ng PPL gayundin ng OPM dahil pareho silang magaling at may ibubuga sa musika.
Congratulations Migz and Maya. Tiyak kong malayo pa ang mararating ninyong dalawa.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio