Sagot ko sa mga “bulag” na kausap ko isang Sabado ng umaga
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
July 20, 2015
Opinion
KONTROBERSYAL sa ngayon si Vice President Jejomar Binay kasi natutukan siya ng media at mga kalaban sa politika dahil na rin sa kanyang mga ginagawa at hindi ginawa. Kabi-kabila ang mga banat laban sa kanilang mag-anak.
Maraming sinasabi laban sa kanila. Gayun man sigurado ako na yung mga sinasabing iyon ay maari ring sabihin o ikawing sa mayorya ng mga may sinasabing kung ano-ano laban sa mga Binay. Ang totoo kasi niyan pare-pareho lang naman sila at nagkataon lang na si Binay at pamilya niya ang flavor of the election season. Ika nga ni dating pangulo at ngayon ay alkalde ng Maynila na si Joseph Estrada, “weather-weather lang yan.”
Huwag nating lokohin ang ating sarili na yung napipili natin ay “sparkling clean” o “Mister Clean.” Walang ganun sa larangan ng politika. Ang siste na minana pa natin mula sa mga Amerikano ay naka-disenyo para maging “happy ang mga nasa poder.” Pumasok sila sa ulingan kaya tiyak na mauulingan rin sila.
Gayun man kung pipili tayo nang magiging pangulo sa 2016 ay huwag sana tayong pumili ng kandidato dahil lamang may palagay tayo na kabaligtaran siya ng ina-ayawan natin. Tiyak na mali ang palagay na iyon. Kung baga, iba-iba ang kulay ng kanilang kolyar pero pare-pareho lang silang mga tuta, este, kandidato at partido politikal (LP, UNA, NP, NPC, PMP atbp.) na gustong maging happy sa poder.
Higit sa lahat huwag tayong magluklok uli ng isa pang mag o-OJT sa Malacanang. Madala na sana tayo sa inaabot natin mula sa mga nag OJT bilang pangulo simula nuong 1986. Ang Malacanang ay hindi training ground ng mga ibig mag OJT para sa pagka-pangulo ng bansa. Huwag din tayong maghalal ng isang pangulo na ang inilalako sa atin ay ang katahimikan ng sementeryo o venganza laban sa mga kalaban sa politika.
Ang piliin natin ay iyong may pinaka-karanasan sa pamamalakad, may vision at tapang para panindigan ang interes ng bayan lalo na kung laban sa dayuhan. Iyon ang iboto natin.
Uulitin ko…pare-pareho lang ang mga yan. Hanggat hindi nagpapalit ng siste at hanggat ang nakasasali lamang sa mga halalan ay iyong mga sakim at may personal na agendang mayaman ay wala tayong aasahang kalinisan at biglang pagbabago mula sa mga sasali sa larong iyan.
Bulag o saksakan ng tanga lamang ang magsasabi na ang kanilang iboboto sa pagka-pangulo ay yung malinis na kandidato.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.