Handa kaya si Binay kung Poe-Roxas ang tandem?
Ruther D. Batuigas
July 18, 2015
Opinion
IPINAGYAYABANG ni Vice Pres. Jejomar Binay na inaasahan niya na magta-tandem sina Interior Sec. Mar Roxas at Sen. Grace Poe para sa 2016 presidential elections at handa raw siyang hara-pin ito.
Hindi raw siya nayayanig sa tambalang Ro-xas-Poe dahil alam niyang siya ang magwawagi. Sabagay, kung pagbabatayan ang hatak ni Ro-xas sa mga botante na hanggang ngayon ay hindi pa rin umaabot kay Binay sa survey ratings ay puwede nga siyang magmalaki.
Pero handa pa rin kaya si Binay kung magi-ging Poe-Roxas ang tandem? Alalahaning nilagpasan ni Poe si Binay sa mga survey at inaasa-hang lalo pa itong lalakas bago maghalalan.
Ito kaya ang dahilan kung bakit sa kanyang pagbisita sa Negros Occidental at pagsasalita sa harap ng mga mamamayan noong isang araw ay naninindigan si Binay na hindi iboboto ng mga Pilipino ang tao na walang kakayahan, karanasan at pagmamahal sa bansa.
Iginiit niya na ang dapat maging isyu raw sa susunod na halalan ay kuwalipikasyon. Ang isang guro ay hindi raw puwedeng maging supervisor o principal kung walang karanasan.
Mukhang nalimutan ni Binay kung paano naluklok sa pagkapangulo ang yumaong Pres. Cory Aquino, ang tao na nagtalaga sa kanya na pamunuan ang Makati noong 1986.
Hindi ba’t si Tita Cory ay wala ring karanasan pero pinagkatiwalaan ng mga mamamayan at hi-nimok na kumandidato dahil malinis at hindi gagawa ng kalokohan sa puwesto?
Hindi ba’t sa kasalukuyan ang kalinisan din ni Poe ang dahilan kaya pinagkakatiwalaan siya ng mga tao at nalagpasan niya sa mga survey si Binay?
Totoo naman na puwedeng ipagyabang ni Binay ang malawak niyang karanasan sa mundo ng politika. Sa Makati pa lang ay matagal na panahon din siyang namayagpag, at kahit mawala siya sa puwesto ay asawa o anak naman niya ang nagiging kapalit na alkalde. lumalabas tuloy na parang ayaw na nilang bitiwan ang kontrol sa lungsod.
Nang maglabasan sa Senate Blue Ribbon subcommittee hearings ang iba’t ibang isyu ng iregularidad laban kay Binay at sa kanyang pamilya habang sila ay nasa puwesto, hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob para harapin o sagutin ito.
Kaya naman ang malawak na karanasan ni Binay ang nagsisilbi ring dahilan na ikinatatakot nang marami. Baka gawin din umano nito sa buong Pilipinas ang mga isyu ng iregularidad na sina-sabing ginawa niya sa Makati noong siya ang namumuno rito.
Mas gugustuhin pa raw nila ang tao na walang karanasan na malinis sa panunungkulan, mga mare at pare ko, kaysa malawak nga ang karanasan pero bihasa naman sa kagaguhan.
Manmanan!
***
PUNA: ”Sana dito sa Makati, matino na at wala na ang mga Binay. Si Kid Peña na ang acting mayor. Sana ganun pa din ang benefits ng mga taga-Makati at di matulad sa Mla na kahit dok nila sa public may baya, madami ang pokpok at tambakan ng droga. Sana lalo pa gaganda at walang halo na pulitika ang pagtulong sa mga residente ng Makati. More power!”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.