Stable ang heart condition ni GM Bodet Honrado
Jerry Yap
July 17, 2015
Bulabugin
NALULUNGKOT tayo sa kalagayan ngayon ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Jose Angel Honrado pero sa isang banda ay nakapagpapabawas din ng pangamba nang malaman natin na hindi naman pala atake sa puso ang dahilan ng kanyang indefinite leave.
Nag-seizure kasi nitong Hunyo 28, 2015 habang nasa kanyang opisina si GM Bodet.
Akala ng marami ay inatake sa puso si GM kasi tatlong major bypass operations sa St. Lukes hospital ang dinaanan niya bago mag-Semana Santa noong nakaraang taon. After three weeks, bumalik na siya sa trabaho.
Kaya kahapon ay inilinaw ni GM Bodet sa pamamagitan ng Media Affairs Division (MAD) na hindi atake sa puso kundi seizure ang kanyang naranasan.
Base raw kasi sa medical tests, ang kanyang puso ay nasa perpektong kondisyon at malakas, sabi pa sa press release.
Ayon daw sa kanyang neurologist, ang naganap na seizure ay resulta ng kanyang nakaraang trauma.
Kabilang dito ang dalawang traumatic experiences na helicopter crash noong 1978 at stoning incident noong 2013.
Sanhi ng tail rotor failure, bumagsak ang pinalilipad na helicopter ni Honrado sa Cavite noong 1978.
Nagawang makalangoy ni Honrando makaraan ang insidente at nakaligtas sa sakuna.
Noong 2013 naman, tinamaan ng malaking bato sa ulo si Honrado nang batuhin ang kanyang sasakyan habang dumaraan sa North Luzon Expressway. Pumasok ang bato sa windshield at tinamaan sa ulo si Honrado na nakaupo sa passenger seat.
Kamalas rin naman ni GM Bodet ‘no…
Sa dami ng sasakyan dumaraan sa NLEX, siya pa ang nahagip ng walanghiyang nambabato riyan?!
Tsk tsk tsk…buwis-buhay din ‘yang mga traumatic experiences na ‘yan ni GM.
Sa kasalukuyan, ang pagkakaalam natin ay nagpapalakas pa sa ospital si GM Honrado at kinakailangan mamahinga sa loob ng ilang buwan.
Gaya ni Immigration Commissioner Siegfred Mison nang maospital kamakailan, marami rin empleyado ng airport ang nagdasal para kay GM Bodet.
Mayroong mga nanalangin para sa mabilis niyang recovery…
Hindi lang natin alam kung ano naman ang panalangin ng iba pa.
Anyway, get well soon, GM Bodet!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com