Poll expense limit dapat na talagang amyendahan sa Kongreso!
Jerry Yap
July 17, 2015
Bulabugin
SUMASAKIT daw ang ulo ng Commission on Elections (COMELC) ngayon.
Mukhang maraming politiko ang sasabit sa kanilang election expense limit.
Hindi ba’t diyan sumablay si disqualified Laguna governor ER Ejercito? Kaya siya na-disqualified dahil sumobra ang gastos niya alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 7166 (SEC. 13. Authorized Expenses of Candidates and Political Parties).
Hindi lang basta disqualification, kundi “perpetual disqualification to hold public office.”
Ganyan po kabigat, ang paglabag diyan sa election expense limit na ‘yan.
Ang siste, mismong ang Comelec ay naniniwalang malayo na sa realidad ang presyo ng itinakdang limitasyon ng Sec. 13 RA 7166 para sa election campaign expenses.
Sa ilalim ng nasabing batas P10 bawat botante ang itinatakdang gastos ng mga kandidato para sa President at Vice-President; at P3 kada botante naman sa ibang kandidato ultimo Senador na nationwide rin ang kondukta ng pangangampanya. Pero kung independent o kahit naka-partido pero walang suporta, pinapayagan nang hanggang P5.
Limang piso rin ang itinatakdang gastos kada botante ng mga nakapaloob sa political party.
Ang mga nagastos sa kabuuang kampanya ng eleksiyon at nakuhang kontribusyon ay kailangang masinop na maiulat sa pamamagitan ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE (Sec. 14 RA 7166).
Ito ay kailangan isumite, 30 araw pagkatapos ng eleksiyon. Kapag hindi nakapagpasa nito, hindi maaaring umakto o makapag-opisina ang isang kandidato sa posisyong kanyang napanalunan.
Maliban sa nahalal na barangay official, ang mga kandidatong hindi nakapaghain ng SOCE base sa rekisitos ay kailangan magmulta mula P1,000 hanggang P30,000, o batay sa diskresyon ng Comelec.
Kailangang bayaran ang multa sa loob ng 30 araw, pagkatanggap sa notice. Kapag nabigo ang kandidato na tumupad dito, ito ay sapilitang ipatutupad sa pamamagitan ng writ of execution ng Comelec.
Ngayon, sino po ang maniniwala na ang isang lokal na kandidato ay gagastos lamang ng P3 bawat botante?!
Mantakin ninyong 24 taon (1991) na ang nakalilipas mula nang ipatupad ang batas na ‘yan (RA 7166). Ilang pagtataas na ng presyo ang naganap hindi pa rin namo-modify ang nasabing batas?!
‘E sa pagpapa-imprenta lang ng tarpaulin, pagpapagawa ng t-shirt, fliers, sample ballot at iba pang election campaign paraphernalia, maniniwala ba tayong P3 lang bawat kandidato ang nagastos ng mga kandidato?!
E ‘yung vote buying pa ‘este actual na election day pa?!
Wala tuloy magawa ‘yung mga kandidato kundi magsinungaling dahil mahirap na nga namang ma-perpetual disqualification…
‘Yung iba naman na hindi nagbasa ng batas, ang akala reimbursable sa partido nila o sa gobyerno ang nagastos nila kaya todo ‘padding’ pa, ‘yun perpetual disqualification tuloy ang napala.
Hehehehe …
Kidding aside, dapat na talagang trabahuin ng Kongreso ang pagmo-modify sa batas na ‘yan — RA 7166, dahil kung hindi, tuwing eleksiyon ay ‘magsisinungaling’ lang ang mga politiko sa pagpapasa ng kanilang SOCE!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com