Kung may tibay lamang (2)…
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
July 17, 2015
Opinion
NANAIG ang anti-mamamayang “austerity program” ng European Commission (EC), European Central Bank (ECB) at International Monetary Fund (IMF), mga institusyong kapitalista na mas kilala sa tawag na Troika; sa kabila nang magiting na pagtindig at pagtutol ng mga Griyego laban dito.
Pinatunayan lamang ng mga naganap sa Greece nitong mga nagdaang ilang linggo na walang puwang ang katarungang panlipunan, demokrasya at pagmamahal sa bayan sa neo-liberalismo na batayang pilosopiya ng kasalukuyang pang-ekonomiyang siste sa mundo, kabilang na rito sa atin. Bakit nga ba ganoon, walang konsepto ng katarungang panlipunan sa agham ng ekonomiya? Dahil ba walang tutubuin ang mga may-ari ng kapital sa pagpapalaganap ng katarungang panlipunan at gastos lang ‘yun para sa kanila?
Hindi puwedeng manaig ang nakararami laban sa iilan na may monopolyo sa kapital, iyan ang totoo sa neo-liberalismo. “Super-rich minority rules over everybody else.” Ganyan na ang kalakaran ngayon lalo na sa mayayamang kanluraning bansa.
Iyan din ang dahilan kung bakit 100 pamilya lamang ang nagpapatakbo at nakikinabang sa yaman ng Pilipinas sa kasalukuyan. Tanging mahalaga sa mga neo-liberal o ‘yung mga may monopolyo sa kapital ang kikitain ng puhunan at hindi ang karapatan ng mamamayan o ang madaramang ikabubuti ng sambayanan.
Para sa mga monopolista ng kapital, ang ikabubuti ng tao o lipunan ay aksidente lamang sa pagkakamal nila ng puhunan. Ito ang dahilan kaya ang kasalukuyang siste ay maaksaya at walang pakundangan sa kalikasan. Likas ang pagiging “anti-environment” ng neo-liberalismo. Ang batayan ng pag-unlad ay kung gaano ang inilalaki ng monopolyadong kapital at hindi ang kapakanan o kaligayahan nating maliliit o ang pangangalaga ng kalikasan.
Dahil sa tagumpay ng Troika, tataas ang halaga ng pamumuhay sa Greece kasi aalisin o babawasan ng pamahalaan nito ang ayuda sa maliliit na Griyego tulad halimbawa ng pension, tataas ang ipinapataw na buwis sa mahihirap samantala bababa naman sa mayayaman. Isasapribado ang maraming serbisyo publiko tulad ng ospital, eskwelahan at transportasyon at maraming pampublikong gusali o parke ang mapapasakamay ng mga bangkero.
Kawawa naman ang mga Griyego lalo na ‘yung mga may edad na umaasa lamang sa kanilang pension. Napansin ba ninyo na dahan-dahan na rin itong nangyayari sa atin?
Hindi natin alam kung paanong napuwersa si Prime Minister Alexis Tsipras at ang kanyang Syriza Party na pagtaksilan ang mga Griyego at tanggapin ang anti-mamamayang programa ng Troika kapalit ng “bail-out” para sa mga may hawak ng kapital at mga bangkero. Matatandaan na kamakailan ay nagkaroon ng referendum sa Greece na nagsalita ang mga mamamayan na ayaw nila ang programa ng Troika.
Nakalulungkot na nabalewala ang mga Griyego at ang demokrasya. Gayon man ay nalantad sa buong mundo ang ka-hipokritohan ng mga kanluraning bansa na modelo ng ating pamahalaan ngayon at mga ekonomistang tulad ni Secretary Mar Roxas.
Ang dahan-dahang pagkakahubad ng maskara ng mga may-ari ng kapital ang ganansiya ng mundo mula sa mga nangyari sa Greece. Malinaw na sa kasalukuyang siste ay mas mahalaga ang tubo ng puhunan kaysa tao o kalikasan.
Ngayon, payag ba tayo na matulad sa mga Griyego? Abangan ang resulta ng ating presidential election sa 2016.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.