HINDI nakaiwas sina Erik Santos at Angeline Quinto sa tanong ng entertainment press tungkol sa lip-sync issue sa presscon nila para sa concert sa Araneta Coliseum sa Agosto 15 produced ng Cornerstone Concerts.
Say ni Angeline, ”lip sync? Ako parang hindi ko pa po nagawa ‘yun, siguro kung lip sync man, plus one. Pero hindi naman ‘yung buong kanta.”
At si Erik, ”actually, hindi naman maiiwasan ‘yun, lalo na every Sunday na sa ‘ASAP’ kami.
“Lalo na kung ang mga ka-prod natin, masasabi natin na hindi naman ganoon karunong kumanta pero kailangang mag-perform. Kailangan din naming mag-adjust for them.
“So, hindi ko masasabing hindi ko kailanman naranasan na mag-lip sync.
“Kasi, sa totoo lang, sa industriyang ito, mayroon talagang pagkakataon na kailangang mag-lip sync.”
At ang comment nina Erik at Angeline sa non-singer na mas ipinagpo-produce ng kanilang album at mas kumikita kaysa legit singers?
“For me po, unang-una naman kasi, mga artista, so trabaho naman po talaga namin na mag-entertain ng tao.
“Sabi ko nga, marami pong nagtatanong sa akin about sa album ni Maja ( Salvador ), kasi kahit paano po close ko po si Maja.
“So, sobra akong natutuwa para sa kanila, kina Kim (Chiu). Sabi ko, wala namang masama roon, kasi trabaho namin ‘yun.
“Kailangan talaga na ma-entertain lahat ng tao. Ang importante po, masaya ‘yung fans,” paliwanag ni Angeline.
At dahil parehong may talent sa pagkanta sina Erik at Angeline kaya hindi sila kabado sa mga nagsusulputang non-singers na mas kumikita ang mga album.
Katwiran pa ni Erik,” actually, sabi nga nila, OPM is dying, ‘di ba?
“Pero sila (non-singers) ‘yung malaking contributor para ma-sustain ‘yung OPM.
“And at the end of the day, they sell, eh.
“And if you sell, ang laki ng contribution mo para mas palakasin pa ‘yung OPM.
“For me kasi, hindi lang talaga talent. Talent is just part of the whole pie, eh.
“Ang daming factors para mabenta ka. Kailangan mo ng good music, maybe luck. And for me, more than a problem, it’s a challenge.
“It’s a challenge for me as a singer na mas mag-reinvent pa ako at mas mag-produce pa ako ng mas magagandang music para sa amin din na sinasabi nilang real singers, mas mabenta rin po katulad nila (non-singers).”
At ang katwiran ni Erik sa mga real singer na hindi pa masyadong nabibigyan ng chance sa music industry.
“It’s a cliché pero ako naniniwala, patience is a virtue talaga. Prayers.
“At kailangan ‘pag naghintay ka, kailangan mo ng paghahanda.
“Hindi porke’t nandiyan lang, for example, mayroon kang darating na project, at saka ka pa lang magmamadali to prepare yourself. Hindi ganoon, eh.
“Hangga’t hindi siya dumarating, kailangan mo i-prepare ‘yung sarili mo para ‘pag nandiyan na, you’re more than ready para mabigyan ng saysay kung ano man ‘yung pinaghandaan mo. That’s very important,” paliwanag ng binatang singer.
‘Di pa sila pero nagsasabihan na ng ‘I love you’
At sa nalalapit nilang concert na Erik Santos and Angeline Quinto at the Araneta Coliseum ay marami raw silang pasabog na hindi pa napapanood ng tao lalo na si Angeline na first time niyang makakasama ang kanyang future partner in life.
Say ni Erik, ”marami po kaming duets, at pure music treat para sa aming audience, malaking musical extravaganza.”
At sa tanong kung ano na ang real score ng dalawa.
“Actually, ayaw naming magbigay ng label. What we have right now, sobra kaming nag-e-enjoy, sobra kaming komportable sa isa’t isa and ayaw naman naming i-mislead kayong lahat na sasabihin namin kami, pero sa totoo lang, hindi naman.
”So, actually, hindi naman po talaga kami pa. Pero kung sasabihing more than friends, maybe we’re more than friends kasi we’re not dating anyone naman and kung lalabas kami, kami lang talaga.”
Kuwento naman ni Angeline, ”and everytime na may lakad si Erik or lalabas siya ng bansa, alam ko namang lahat ‘yun. Ultimo pagligo niya, alam ko. Pero never po kaming nagsabay ha.”
Muling inulit ang tanong, sila na ba?
“Ngayon, hindi pa rin po kami. Kasi, kagaya nga po ng sinabi niya kanina, kung anuman po ‘yung mayroon kami ngayon, sobrang komportable kami rito, so ayoko naman po na pilitin ‘yung sarili ko na maging kami agad. Ayoko po kasi ng parang tipong ‘pag nasa relasyon, eh hinihigpitan ako, hindi po ako ready ulit na maging ganoon,” sagot ni Angeline.
May katwiran si Angeline kung bakit ayaw pa niyang pumasok sa isang seryosong relasyon dahil may takot siyang baka muli niyang maranasan na higpitan.
”Sobra. Ayoko po ng ganoon. Pero si Erik po naman, nakikita ko po naman na hindi siya ganoon, pero sana nga po, makapaghintay siya.
Pero nagsasabihan naman sila ng I Love You.
“Honestly, opo. Nandoon na kami sa ganoong lebel talaga,” nakatawang sabi ni Erik.
At ang sagot daw ni Angeline, ”I love you more,”nakatawang sabi rin ni Erik
Coco, pinagseselosan ni Erik
Pagkatapos ng Q and A ay kinulit namin ng katotong Vinia Vivar kung totoong nagseselos si Erik kay Coco Martinna kasama ngayon ni Angeline sa Ang Probinsiyanoserye handog ng Dreamscape Entertainment.
“Hindi naman selos. Siguro more of parang medyo nag-ano lang ako before nang malaman ko na magkakaroon sila ng project together. So parang ‘ay ganoon? So everyday, magkakasama sila’. Kumbaga, katanungan lang,” pagtatapat ng binatang singer.
Wala pa bang assurance si Erik kay Angeline, ”hindi naman. Normal lang naman na maka-feel ng ganoon, ‘di ba? Na maka-feel ng selos,” mabilis nitong sagot.
Samantala, biniro namin si Angge kung ginagamit pa ni Angeline ang bigay na mug at kuwintas ni Coco , ”ate Reggee, i-text mo na nga lang ako ha, kung ano-ano tinatanong mo, eh. ‘Wag na nating pag-usapan ‘yun,”natatawang sabi sa amin ng dalaga.
Sila ang King and Queen of Theme Songs at bawa’t isa ay nakapag-record ng 37 at 35 songs respectively kaya tinanong kung ganito karami ang kakantahin nila sa August 15 concert nila.
“Mamimili po kami kasi kung lahat ‘yun, kulang na sa oras,” seryosong sagot ng dalawa na talagang sineryoso naman.
Ang Erik Santos and Angeline Quinto at the Araneta Coliseum ay media sponsored ng Academy of Rock, ASAP20, MYX, MOR 101.9 for Life, Yes FM 96.3 Easy Rock, The Philippine Star, Business World, Philippine Entertainment Portal, Manila Concert Scene, Astroplus, Boardwalk, Gan Advance Osseointegration Center (GAOC), Dra. Vinia Javella of Advance Aethetics, Felicidad Mansion and Taverna Malolena Catering Services.
FACT SHEET – Reggee Bonoan