Huwag magsaya
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
July 13, 2015
Opinion
HUWAG tayong magsaya dahil dumaranas ng matinding krisis ang stock market ng Tsina ngayon. Totoong may alitan tayo sa Tsina dahil sa ginagawang pagkamkam sa mga isla-islahan natin sa West Philippine Sea pero huwag kalilimutan na malaking bahagi ng ating ekonomiya ay nakasalalay sa mabuting kalagayang pang-ekonomiya nila.
Kapag lumagapak ang ekonomiya ng Tsina, tiyak na damay tayo. Ewan ko kung alam ninyo na ang Tsina ang ikatlo sa pinakamalaking trading partner natin kasunod ng US at Japan. May alingawngaw ngayon na ang krisis sa stock market ng Tsina ay dahil sa US manipulation para ma-maintain ang isang unipolar world na pinangungunahan ng Amerika.
Ewan ko kung totoo ang chismis na ‘yun pero kahit ano pa ang sabihin hindi maganda ang mangyayari sa atin ‘pag lumagpak ang ekonomiya ng Tsina kaya huwag tayong magsaya.
* * *
Noong Hunyo 5 ay lumabas dito sa Usaping Bayan ang ating sulatin na pinamagatang “Pag Isipan Natin.” Ito ay tungkol sa isang akda ng isang blogger, si Fallen Angel, na may kaugnayan sa ating masasamang katangian. Malaki raw ang kinalaman nito kung bakit tayo pinagsasamantalahan o nililiit ng mga dayuhan ngayon.
Isa sa mga natalakay niya ang ugali natin kaugnay ng ating pangangailangan sa papuri mula sa mga banyaga. Napansin niya na kapag pinuri ng mga dayuhan ang isang talento natin ay hindi na rin tayo magkamayaw sa pagbibigay papuri rito. Insecure daw kasi tayo kaya lagi natin kailangan ang “affirmation” o “pat on the back” mula sa mga dayuhan.
Napakasama ng ugaling ito kasi lumalabas na kung hindi pa pupurihin ng mga dayuhan ang ating talento ay hindi natin ito bibigyan ng pansin. Kapag pinuri naman ay kabi-kabila rin ang ating papuri at pilit na kinu-quote natin ang pumuri.
Isang malinaw na halimbawa ng binabanggit ni Fallen Angel ang ginawang opisyal na papuri ni Rep. Winston Castelo ng ikalawang distrito ng Lungsod Quezon sa isang lokal na hamburger chain matapos purihin ng pamosong chef na si Anthony Bourdain.
Kung hindi pa pinuri ni Bourdain ay hindi gagawan ng resolusyon ni Castelo ang fast food chain kahit matagal nang matagumpay sa negosyong ito.
Nakalulungkot na isa si Castelo sa mga nagpapalaganap sa mga sinasabi ni Fallen Angel. Wala sigurong maisip na gimik si Castelong.
Gimik kaya ito ang kanyang resolusyon ngayon. Sinasayang ni Castelo ang pasahod sa kanya ng taong bayan. Ang daming problema sa QC na mas dapat niyang bigyang pansin. Maraming personahe na dapat papurihan si Castelo pero… wala nga pala silang “pat on the back” mula kay Bourdain. Sorry na lang kayo.
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=ts para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.