GASGAS na gasgas na ang istorya na palaging ipinagmamalaki ng Bureau of Immigration sa NAIA na sinasabing “BI Foils Human Trafficking Attempt at the Airport.”
Kung tutuusin ay mababang bilang lamang ang deklarado ng mga sinasabing ‘sikat’ na nakaharang na kasapi ng BI-NAIA ngunit ang kabuuang bilang ng nagtangkang ‘pumuslit’ batay sa impormasyong nakalap mula sa mga recruiters ay tinatayang nasa libong katao.
Batay sa reliable source mula sa intelligence network ng Inter-Agency Task Force, ang mga namumuno umano ngayon sa tatlong terminal ng Immigration NAIA ay ‘familiar faces’ sa mga illegal recruiter at may mga nauna nang transaksiyon na isinakatuparan bago pa man manungkulan.
Aniya, hindi mapapasubalian ang pinagmulan ng ulat, kung naghihigpit man nang ‘tatlong beses’ ang mga tauhan ng BI NAIA at anti-human trafficking authorities, ginagawang ‘apat na beses’ naman ang alok ng ‘consideration amount’ sa mga awtoridad mailusot lamang ang kanilang ‘protegee’ palabas ng bansa.
Kadalasan ngayong via Hong Kong, Singapore at Macau ang ginagawang “jump-off point” ng mga ipinupuslit na Filipino tourist workers at pagdating sa point of destination ay ‘tatalon’ patungong Middle East.
Meron kayang Immigration officer (IO) ngayon na hindi ‘nasisilaw’ sa kinang ng pera?
Kahit sabihin mo pang limang beses ang ipinatutupad na paghihigpit ng mga awtoridad kung anim o pitong beses naman ang alok na halaga bilang ‘talent fee’ sa ‘immigration insider’ sa palagay kaya natin ay ‘di mag-iisip na tanggapin ng isang IO?
Lalo kung walang mga oportunidad na makuha ang mga kapos-palad nating mga kababayan, partikular na ang mga naninirahan sa kanayunan ay hindi titigil na makapuslit sa palabas ng bansa para makipagsapalaran.
May info pa tayo na, nagkakairingan pa ang ilang IO dahil sa sulutan ng daraanang counter ng Pinoy tourist worker!?
Anong masasabi mo Atty. Floro Balato?
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com