HINDI dapat palagpasin ang dalawang bagong show sa TV5 na mapapanood tuwing Sabado, ang Lola Basyang.Com at #ParangNormal Activity. Tumutok sa back-to-back pilot telecast ng modern fantasy series at teen horror-comedy.
Tampok ang veteran actress na si Ms. Boots Anson Roa sa kakaiba at modernong bersyon ng Lola Basyang.com. Sa bagong bersiyon ng Lola Basyang.com, techie at isang blogger si “Lola B” na nagkukuwento sa kanyang mga apong nasa abroad sa pamamagitan ng internet at webcam, na taliwas sa nakasanayan na nating lahat.
“Ang nangyayari ngayon, habang mas nagiging moderno ang buhay natin gamit ng teknolohiya, mas lalo dapat nating balikan yung mga nakagisnan nating Filipino values,” saad ng direktor at producer na si Perci Intalan, isa sa nakaisip at bumuo ng series na ito kasama ang award-winning filmmaker na si Jun Robles Lana.
Naniniwala ang astig na tandem nina Direks Jun at Perci na nasa likod ng The Idea First Company, na napapanahon ang show na ito para punan ang pangangailangang buhayin ang pagkukuwento ng mga classic Filipino stories na hindi lamang nagtuturo ng kagandahang-asal kundi nagmumulat din ng ating mayamang kultura at panitikan sa mga kabataan.
Tuwing Sabado, mapapanood ang mga hitik sa aral na kuwentong gaya ng Maryang Makiling, Ang Plawtin ni Periking, Rosa Mistika, at Ang Prinsipeng Mapaghanap. Para sa pilot episode, gaganap si Jasmine Curtis Smith bilang si Maryang Makiling. Si Vin Abrenica naman ang gaganap bilang Periking sa Ang Plawtin ni Periking sa susunod na Sabado.
Susundan agad ang LolaBasyang.com ng masasayang adventures at misadventures ng pinakabagong barkadang tututukan sa telebisyon – ang mga nakaaaliw at cute na mystery-solving kids ng #ParangNormal Activity.
Ukol ito sa apat na magkakaibigang miyembro ng kanilang school “Paranormal Club” at sa kanilang paglutas sa mga misteryong pumapaligid sa kanilang paaralan. Makakalaban nila ang mga iba’t-ibang supernatural creatures at mga elemento – mapa-multo, manananggal, o zombie man.
Pero ang twist, ghost din pala ang isa sa mga bida. Si Charlie (Ella Cruz) ay isang matalino, charming at “friendly ghost” na tutulong sa grupo upang malutas ang mga kababalaghan habang tinuturuan sila kung paano mas maintindihan ang mga kakaibang elementong nakakasalamuha nila.
Kilig at katatawanan naman ang hatid ng tatlong miyembro ng #ParangNormal boys: ang mga nerdy pero cutie teenagers na sina Makoy (Ryle Paolo Santiago), Red (Andre Garcia) at Third (Shaun Salvador).
Para sa pilot episode, iimbestigahan ng “Paranormal Club” ang kaso ng white lady sa selfie!
Subaybayan tuwing Sabado ang out-of-this-world adventures at parang creepy encounters sa back-to-back fantasy programs na LolaBasyang.com sa alas-7 ng gabi, at #ParangNormal Activity, pagdating ng alas-8 ng gabi, simula July 11 sa TV5!
Ayon kina Kiray Celis at Ella, masaya silang maging bahagi ng cast ng #ParangNormal Activity.
“Challenging yung role, kaya kinakir ko talaga. Natuwa ako kasi sa akin ipinagkatiwala yung role na iyon. Ako talaga yung choice nila for that role.
“Kaya sabi ko, kung mahirapan man ako, kailangan kong maghanap kung saan ako huhugot. Magtatanong din po ako kung paano ang dapat kong gawin,” saad ni Ella.
“Masaya siya. Yun nga, cutie, funny, scary. Lahat…! Nakakatakot, nakakatuwa at siyempre matatawa ka. Sobrang enjoy ako sa pagiging bahagi ng show
“Sanay ako kay Direk Perci. Kung ano-ano lang yung ipinapagawa niya sa akin, so parang very normal ko lang ‘to. Tsaka masarap kasi kapag yung katrabaho mong director is hindi ka pressured, yung mga gusto mong gawin ay nagagawa mo,” esplika naman ni Kiray.
ALAM NA! – Nonie V. Nicasio