MUNTIK akong malaglag mula sa aking kinauupuan matapos kong mabasa sa websites ng mga pahayagan at sa social media ang panukala na iikot na lamang paharap sa Taft Avenue ang monumento ni Dr. Jose Rizal mula sa kasalukyang pagkakaharap nito sa Luneta Grandstand at Manila Bay. Kapag iniikot ang monumento ay hindi na makikita sa likod nito ang dambuhalang photo bomber na Torre de Manila, na itinayo malapit sa dating kinatatayuan ng Jai Alai building.
Sa biglang tingin ay mukhang tama at praktikal ang solusyong ito. Lalabas na “everybody happy” sa panukalang ito. Hindi na magiging eye sore ang Torre de Manila at maitatama raw ang historical na kamalian sa pagtatayo ng monumento ni Rizal. Maitutuloy na ang pagtatayo ng gusali at magiging masayang muli ang mga milyonaryong financiers nito bukod pa sa makapagtatrabaho na uli ang maliliit na trabahador na nagtatayo ng torre.
Magiging masaya naman si Rizal sa kanyang kinaroroonan ngayon kasi matutupad ang kanyang kagustuhan na humarap sa Kamaynilaan. Dapat nating malaman na hiniling kasi ni Rizal sa mga Kastila bago siya patayin na siya’y barilin habang nakaharap sa Kamaynilaan at hindi sa karagatan dahil iyon ay tanda ng kataksilan. Hindi siya pinagbigyan ng mga Kastila.
Pero sa malalim na pagtingin ay makikitang saliwa ang panukalang iikot ang monumento paharap sa Taft Avenue.
Una, ipinalalabas na ang problema rito ang monumento ni Rizal at hindi ang kwestiyonableng pagtatayo ng Torre de Manila. Ngayon, dahil pinalalabas nga na problema ang monumento at hindi ang gusali, ang isang maaring implikasyon nito ay kawalan ng pangangailangan na imbestigahan pa ang kontrobersiya. Hindi na dapat alamin ni Juan dela Cruz kung paanong naitayo ang 46 na palapag na gusali at kung may mga kumita sa mga kaugnay na transaksyon.
Pangalawa, mahigit nang 100 taon nakatayo ang monumento ni Rizal na nakaharap sa dagat. Bahagi na ito ng kasaysayan. Ang pag-iikot dito ay malinaw na kalapastanganan sa bayan at sa bayani. Bahagi na ng heritage natin ang monumento.
Ang panukalang iikot ang monumento ay malinaw na halimbawa ng ating pagkakahilig sa mga remedyong solusyon sa mga seryosong problema. Ito ay nagpapatotoo na wala tayong “vision at creativity.” Kung tutuusin ay hindi dapat nagkaroon ng ganitong problema kung ginawa lamang na masusi at tama ng mga opisyal ng Lungsod ng Maynila ang kanilang gawain at hindi nakontento sa tama na ‘yan, OK na yan o sa mga palusot.
Sa madaling salita kung hindi sana mediocre ang mga lider natin wala tayong ganitong isyu ngayon.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.
USAPING BAYAN – Nelson Flores