MALAKAS ang environmental at fishing claims ng Filipinas laban sa China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iginiit ni Professor Alan Boyle, international law expert sa ikalawang araw ng pagdinig sa arbitral tribunal sa The Hague Netherlands kaugnay sa reklamong inihain ng Filipinas laban sa China sa isyu ng teritoryo sa WPS.
Base sa ulat ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, sumentro sa hurisdiksyon ng Filipinas sa WPS ang pagdinig at inilatag ng mga kinatawan ng bansa ang mga dahilan bakit hindi kabilang sa exemptions sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang kaso ng Filipinas na magiging dahilan upang hindi dinggin o talakayin ng tribunal.
Si Professor Philippe Sands aniya ang sumagot sa ilang katanungan ng ilang miyembro ng tribunal sa morning session.
Habang sina Professors Lawrence Martin, Bernard Oxman at Paul Reichler ang nagpresenta hinggil sa claims ng Filipinas na saklaw ng hurisdiksyon ng tribunal.
Ang naturang international law experts ay inupahan ng administrasyong Aquino para umayuda sa mataas na opisyal ng gobyerno na dumalo sa pagdinig sa arbitration tribunal.
Inaasahang ilalabas ng tribunal ang desisyon kung may hurisdiksyon sila sa maritime dispute sa WPS makaraan ang pagdinig sa Hulyo 13.
(ROSE NOVENARIO)