MALAKING krisis ang hinaharap ngayon ng PhilHealth matapos matuklasan na mukhang niraraket sila ng dalawang eye center.
Ayon mismo kay PhilHealth president Alexander Padilla, mayroong mga ahente ang dalawang eye center na naghahanap ng PhilHealth members saka pipiliting yayain sa nasabing eye center para magpa-check-up umano. Pagdating doon saka umano ida-diagnose na may cataract ang member ng PhilHealth at sasabihin na ooperahan kahit hindi naman kinakailangan.
Sinabi ito ni PhilHealth president Alex Padilla sa Senado kaugnay ng kanilang sariling imbestigasyon nang sila ay naraket ng P2-billion PhilHealth claims para sa cataract operations noong 2014.
What the fact!?
Sinuspendi na umano ni Padilla ang pagbabayad sa dalawang eye centers—Pacific Eye Institute and Quezon City Eye Center— na sinabing nakikipagsabwatan sa nasabing bigtime racket.
Mantakin ninyong P2 bilyones mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth, ipinaraket lang sa dalawang eye center at napinsala pa ang mga pasyente na hindi naman dapat operahan.
Natuwa naman tayo dahil, pinaimbestigahan agad ni Padilla ang P2-bilyon reimbursement.
Pero palagay natin, hindi lang ‘yang eye center na ‘yan ang dapat imbestigahan.
Dapat din sigurong i-monitor ng PhilHealth ang mga reimbursement mula sa iba pang ospital lalo na ‘yung mga pribado.
Ang madalas kasing ireklamo ng mga pasyente ‘e ‘yung professional fee sa mga doktor. Mayroong counterpart ang PhilHealth pero napakaliit. Kaya ang malaking porsiyento ng professional fee ‘e sa bulsa pa ng pasyente kinukuha. Minsan nga, mas maliit pa ang hospital bill kaysa PF.
Ito ang dapat imbestigahan ng PhilHealth, ang sobra-sobrang pagpapataw ng professional fee ng mga doktor sa kanilang pasyente at bakit napakaliit ng kanilang counterpart.
Dapat maglabas ang Department of Health (DOH) at ang PhilHealth ng mga guidelines alinsunod sa batas kung magkano ang dapat singilin ng isang doktor para sa kanilang serbisyo.
Mukhang maraming doktor ang nakalilimot sa Hippocrates Oath.
Paging Health Secretary Janette Garin and PhilHealth president Alex Padilla!