Bentahan ng beach sa Boracay hawak ng sindikato?
Jerry Yap
July 1, 2015
Opinion
KANINO nga ba nanghihiram ng lakas ng loob ang isang kompanya na nagtatayo ng isang posh underwater resort sa Boracay Island sa bahagi nito na ikinakategoryang Timberland at halos katabi ng Puka Shell Beach sa Barangay Yapak pero walang Environmental Compliance Certificate (ECC)?!
Mismong si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Western Visayas director Jonathan Bulos ay umamin na hindi pa nila naiisyuhan ng ECC ang Seven Seas Boracay Hotel and Residences.
Aniya, nakabinbin ang aplikasyon ng nasabing kompanya na isinumite sa central office sa Maynila.
Nitong Hunyo 5 lang inihain ang aplikasyon para sa ECC at ipinasa pa sa Maynila pero matagal nang ginagawa ang konstruksiyon.
Ang hotel na sinabing mayroong 342-kuwarto, isang private lagoon at oceanarium ay sasakupin ang 2.2-hectare sa Barangay Yapak.
Ito ‘yung barangay na klasipikadong timberland o lupang inireserba para sa kagubatan ayon sa EMB regional office.
Habang ang Puka Beach naman ay itinuturing na underdeveloped beach at pristine forest.
Pero kahit wala pang ECC, nagpapatuloy ang konstruksiyon ng resort dahil ang municipal government ng Malay na may hurisdiksiyon sa 1,032 ha island ay nag-isyu ng building permit.
What the fact!?
Inisyu ng municipal government ang nasabing building permit noong Enero 15, 2014 sa Seven Seas Boracay Properties Inc. and Correos International Inc.
Ang ipinagtataka natin dito, hindi man lang kumikibo si PENR Officer IVENE D. REYES sa konstruksiyon ng nasabing resort gayong panay pa ang pa-press release na siya ay may isinusulong na National Greening Program – Mangrove Rehabilitation.
Kahit panay ang pa-press release ninyo PENR Officer Reyes kung may pinalulusot naman kayong mas malaking establisyemento na lalong sisira sa natitirang likas na yaman ng Boracay ‘e wala rin kuwenta ‘yan!
Hindi naman maliit ‘yang estrukturang itinatayo ng Seven Seas, bakit hindi ninyo masita gayong kayo mismo alam ninyong wala pang ECC ‘yan.
Sino ba talaga ang sumasalaula sa Boracay, ang PENRO o ang Malay municipal government?!
Pakisagot na nga Gov. Florencio Miraflores!
Good guys in bad guys out sa Immigration? (Tell it to the Marines!) Serious ba talaga… sa dishonesty?
BUTATA na naman ang paboritong slogan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Siegfred Mison na, “Good Guys In, Bad Guys Out” mismo sa sarili niyang praktis.
Mismong mga taga-Immigration ay ‘nahihiya’ na raw sa garapalang pagkagahaman ng kanilang Commissioner sa benepisyong hindi naman nararapat sa kanya?
Mantakin ninyo, maraming empleyado ng Immigration ang karapat-dapat na makatanggap ng “overtime pay” pero ‘yung iba ay tinanggalan ni Mison.
Pero sa huling kaganapan sa bureau, may nagsampa ng kaso sa Ombudsman (na naman!?) dahil kumukubra pala siya ng P75,000 a month overtime pay?!
What the fact!?
Kanino ba nanghihiram ng kapal ng mukha ang ganitong klaseng government official? (Attention Justice Secretary Leila De Lima!)
Tanong nga ng mga taga-BI main office, “nawalan na ba ng delicadeza si Mison?”
Maliwanag naman sa batas, na ang maitatalagang commissioner sa nasabing Bureau ay hindi maaaring tumanggap ng overtime pay.
Abogado si Mison, at nagtuturo pa ng batas kaya imposibleng hindi niya alam ang ganyang policy.
Kung inyo pong matatandaan, dati na rin siyang inireklamo sa Ombudsman dahil ipinakakarga niya sa Bureau maging ang gasoline at parking fee na hindi naman ginamit sa opisyal at rehistradong sasakyan niya bilang associate commissioner.
Ayon sa ilang eksperto sa batas na nakakausap natin, masuwerte pa nga si Mison dahil sa hatol na ‘serious dishonesty’ ay ini-reprimand lang siya ng Ombudsman.
‘E ‘yung ganyang kaso pala ay madalas ang parusa ay DISMISSAL FROM THE SERVICE?!
At hindi na kailanman maia-appoint sa anumang position sa gobyerno.
Tsk tsk tsk…
Sa totoo lang, nakanenerbiyos na ang itinutulak na slogan ni Mison na “Good Guys In, Bad Guys Out.”
Nakanenerbiyos dahil ang nagsusulong nito ay isang opisyal ng gobyerno, na supposedly ay mayroong mahusay na intuition o kapasidad na timbangin kung ano ang tama at mali, pero mas tumitingkad ang katangian niyang mapaglabag sa mga batas at tamang asal ng isang nasa awtoridad.
Tama po ba ‘yan, Secretary Leila De Lima!?
Yorme Junjun Binay makahirit kayang muli ng TRO?
Naglabas na naman ng suspension order ang Office of the Ombudsman laban kay Makati Mayor Junjun Binay kaugnay ng kasong graft hinggil sa sinasabing overpriced na pagpapatayo ng Makati Science Bldg.
Ito ang ikalawang suspension order na inilabas ng anti-graft court laban sa alkalde, ang una ay noong Marso kaugnay ng kaso sa sinasabing overpriced na Makati City Hall Building II.
Gayonman, hinarang ito ng Court of Appeals sa pamamagitan ng 60-araw temporary restraining order (TRO).
Sa pagkakataong ito, makakuha pa kaya ulit ng TRO si Mayor Junjun?!
May call-a-friend na naman kaya sa Court of Appeals?
Pero masyado tayong nalulungkot sa Makati City ngayon.
Nagsasakitan na ang mga supporter ng mga Binay at ang mga kagawad ng pulisya na itinalaga roon.
Kumbaga, monoblock lang ang katapat ng mga lespu na todo-sangga ng kanilang shield para huwag silang tamaan ng bato, monoblock at iba pang bagay na inihahagis ng Binay supporters.
Matigas ang paninindigan ni Mayor Junjun na hindi siya aalis sa Makati City dahil ang suspension ay bahagi umano ng demolition job laban sa kanilang pamilya.
Ganoon ba?
Hanggang kahapon, ay matindi pa rin ang tensiyon sa Makati.
Isa lang ang maliwanag dito, ngayon pa lamang ay matindi na ang hamon ng mga Binay sa kakayahan ni Secretary Mar Roxas bilang DILG chief.
Mukhang mayroong nagmamadali sa salpukang Binay-Roxas.
Aabangan natin ang resulta ng labanang ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com