Paninindigan ng ALAM sa paggigipit kay Christine Herrera
hataw tabloid
June 22, 2015
Opinion
NANINIWALA ang Alab ng Mamamahayag (ALAM) na ang tangkang i-cite for contempt ang batikang journalist na si Christine Herrera ng The Standard ay tahasang paglabag sa malayang pamamahayag.
Isang uri ng pananakot ang ginawa ni Rep. Elpidio Barzaga kay Herrera upang pilitin ihayag ang kanyang source o impormante na nagsabing tumanggap ng suhol ang ilan sa mga mambabatas ng Kamara para ipasa ang kontrobersiyal na panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Malinaw ang Sotto Law, partikular na ang Section 1 na nagsasaad… “The publisher, editor or duly accredited reporter of any newspaper, magazine or periodical of general circulation cannot be compelled to reveal the source of any news report or information appearing in said publication which was related in confidence to such publisher, editor or reporter, unless the court or a House or committee of Congress finds that such revelation is demanded by the interest of the State.”
Nakikiisa ang ALAM sa paninindigan ni Herrera at ng The Manila Standard na kailanman ay hindi nila ihahayag ang pagkakakilanlan ng nasabing source o impormante kaugnay sa kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng Bureau of Immigration at ng Chinese crime lord na si Wang Bo. Sa halip pag-initan ni Barzaga si Herrera, makabubuting ituon ng Kamara ang kanilang imbestigasyon kina Immigration Commissioner Siegfred Mison at sa Chinese crime lord Bo, at alamin ang akusasyong silang dalawa ang may kinalaman sa nasabing milyon-milyong pisong suhulan para sa agarang pagpasa ng BBL.