ISANG cool dad si Mark Gil! Ito ang description ni Gabby Eigenmann sa kanyang namayapang ama. Bale, unang pagkakataon na nag-Father’s Day ang pamilyang Eigenmann na wala si Mark. Kaya aminado si Gabby na mas nami-miss niya ang ama kapag may mga ganitong okasyon.
“Every day, I miss him. May moments na everytime I turn on the radio, and there’s a song that we used to hear together or may mga songs na bagay, kaya mas nami-miss ko siya, I cry, hindi naman nawawala yun, kahit ngayon.
“What you see now is just like an example of strength, but once my guards are down, talagang… Like, kunwari my problem sa family, I pray to God and at the same time, I would talk to dad,” kuwento ni Gabby nang makapanayam namin sa Grand Ballroom ng Solaire Resort & Casino na nagwagi siya sa Editors’ Choice for Teleserye Actor of the Year sa The PEP List Year 2.
Dagdag pa niya, “Nalulungkot pa rin. Pero alam namin na bago kami matulog, we know he’s always there watching us.”
Ano ang fondest memory niya sa kanyang dad?
“Kasi, ‘di masyadong marunong magbasketball ang daddy ko, pero when we had the time to play, yun ang laging bonding namin, ang magbasketball. Tapos, for the longest time we’ve been dreaming of going fishing together, nagawa namin yun once.
“Ang daddy ko kasi, very clannish siya, e. So everytime we get the chance to talk to him or visit him sa bahay, yung lagi naming pinag-uusapan is about issues. Issues sa pamilya, issues bahay, sa showbiz…
“So, may pagka-tsismoso rin kasi iyon e,” nakangiting saad niya. “Pero he will always be the coolest dad.”
Si Gabby ay tatay na rin sa apat na anak niyang sina Joseph, Gabrielle, William, at Matthew. Kapag Father’s Day, ano ang usual na ginagawa ng kanilang pamilya para sa kanya?
“Kapag Father’s Day, I don’t really make plans para sa sarili ko. Ako, gagawa ako ng plans para sa daddy ko, pero it’s my family or my kids who make plans for me.
“Surprise nila iyon sa akin. Ako kasi, I’m a huge basketball fan.’Tapos sila, every year, it never fails na lagi silang may regalo sa akin, yun ang nilu-look forward ko. Jersey, or anything na basta tungkol sa favorite team ko. Iyon ang lagi kong inaabangan, yung gift nila sa akin.”
Pero sinabi ni Gabby na wala raw siyang wish na matanggap talaga. “Actually, wala. Ang gusto ko lang ay maging maayos lang ang pag-aaral nila.
“Kasi lahat naman ng ginagawa ko sa industriyang ito, maliban sa sobrag passionate ako sa trabaho kong ito, is to prepare them for their future. Ang trabaho ko, lahat ng mga ginagawa ko, para sa kanila, e.” saad pa ng 37 year old na actor.
Paano naman niya ide-describe ang sarili bilang ama?
“As a father, ano ako e, should I say, ano ako e, hindi naman ako authoritative, I just give rules pero bendable siya. Kumbaga puwede mong anuhin, pero gusto ko kasing tularan yung pagpapalaki sa akin ng daddy ko. He’s very lenient, I’m very lenient.
“Pero when I set rules, ‘pag sinundan mo yun, simple lang kasi sa akin e, come home with good grades. Kung magpaalam man kayo lumabas, gumimik man kayo, okay lang. basta ‘wag ninyong aksayahin yung pag-aaral ninyo, yun lang naman.”
Kung ang mga anak mo naman kaya ang tatanungin kung Cool dad ka, ano kaya ang isasagot nila?
“A yeah, oo naman, I’m sure sasabihin nilang cool dad ako! Kasi, I’m a joker in the family e, kapag kami-kami lang. I’m sure, they will say that. Ano ako e, iyong barkada type.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio