AMINADO si Nadine Lustre na magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman niya bilang isa sa intepreters sa Philpop 2015. Sina Nadine at Kean Cipriano ang interpreter ng kantang Sa Ibang Mundo na komposisyon ni Mark Villar.
Itinuturing ni Nadine na mala-king blessing para sa kanya ang maging isa sa interpreter sa 4th Philippine Popular Music Festival o Philpop 2015, isang songwri-ting contest na inorganisa ng Philpop Foundation.
Sinabi ni Nadine kung gaano siya ka-excited sa kantang ito.
“Ay super po! Pero kinaba-han po ako noong una. Prior to recording it, kasi ang taas po ng song. ‘Tsaka medyo kailangan niya ng power. Eh yung voice ko po kasi, medyo mahinhin siya na maliit na mahangin. So medyo kinabahan ako, but then super na-excite po ako for this song.”
Ano ang masasabi niya sa kanilang entry dito sa Philpop 2015? ”Noong una kong narinig ‘yung song, nagandahan talaga ako. With the recording naman, I’ll be honest, medyo nahirapan ako.
“Kasi, medyo mataas kasi ‘yung range ng sa babae. Si Kuya Mark, parang he trust me na kaya kong bigyan ng justice yung kanta niya. And it’s a risk na, kasi siyempre eto yung entry niya. Pero pinili niya ako, so I feel really thankful for that.”
Paano niya ide-describe ang song nila? ”Eto po kasing song namin ni Kean, ang theme niya is forbidden love. Iyong sa ibang mundo, parang ganoon. Parang kung nasa ibang mundo tayo, puwede kong hawakan yung kamay mo, like yung relationship natin ay pwede nating ipakita sa iba, ganyan.”
May pressure ba sa finals night?
“Mayroon po, kasi siyempre ako ‘yung interpreter ni Kuya Mark, e. Hindi ba dapat galingan ko po? Mamaya kapag natalo, ako ang masisi, ‘Kasi ikaw ‘yung interpreter, ganyan.’ Yun po,” nakatawang saad niya.
Mayroon ba siyang preparation para sa finals?
“For this po? Wala naman po, basta alam ko po yung song dito,” sabay turo sa puso niya. “Sa puso po dapat talaga at hindi sa isip lang .”
So, ano ang pakiramdam na magkalaban kayo dito ni James Reid?
“Hindi naman po magkalaban talaga, it’s a healthy competition…”
Sinabi rin ni Nadine na hindi ibig sabihin nito ay mas magco-concentrate na siya sa singing “Both pa rin po siyempre, kasi gusto ko naman po yung parehas na ‘yon, gusto ko po yung acting and gusto ko rin po ‘yung singing. Para hindi rin naman po nakakasawa na puro acting na lang po ako.
“Puwede rin siyempre ang singing, kung puwede dancing din. Gusto ko po kasi talaga yung mag-perform, e.”
Bukod kay Nadine, ang iba pang interpreters ng Philpop 2015 ay ang kalove team ni-yang si James kasama ang rapper na si Pio, para sa kantang Musikaw na likha ni Melchor ‘MC’ Magno Jr., ang Side A para sa kantang For The Rest Of My Life ni Ned Esguerra. Ang The Company para sa entry ni Paul Armesin na Tanging Pag-asa Ko, Jinkee Vidal para sa Kilig ni Soc Villanueva; Jon Santos sa Apat Na Buwang Pasko nina Gino Cruz at Jeff Arcilla.
Kabilang din si Anja Aguilar para sa kantang I Owe You My Heart ni Melvin Morallos, at sina Josh Padilla at Yassi Pressman para sa Edge of the World na komposisyon ni Johannes Garcia. Ang ibang composers ay sila mismo ang mag-i-interpret ng kanilang mga kanta. Ito’y sina Lara Maigue (Nasaan), Davey Langit (Paratingin Mo Na Siya), Ramiru Mataro (Walang Hanggan, with Donnalyn Bartolome), at ang 2013 Philpop grand winners na sina Thyro Alfaro and Yumi Lacsamana (Triangulo, with Jeric Medina).
Lahat ng finalists at interpreters ay kabilang sa Philpop 2015 album na produced at distributed ng Viva Records. Maaari ring i-download ang mga kanta sa Spinnr. Ang music videos at iba pang exclusive contents ay available ng libre sa PLDT Home Telpad.
Ang grand finals ng Philpop 2015 ay nakatakdang ganapin sa July 25 sa Meralco Theater, na ang grand winner ay mananalo ng isang milyong piso. Kabilang sa sponsors nito ang PEP.ph, Maynilad, Meralco, Smart, Spinnr, PLDT Home Telpad, NLEX, Metro Pacific Investments, Philex, Sun Cellular, First Pacific Leadership Academy, TV5, MTV Pinoy, Pinas FM, Philippine Star, Radio Republic, Radyo 5, at Viva Records.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio