Special Investment District itatayo ng Parañaque City para sa lalong paglago ng investment sa entertainment city
Jerry Yap
June 17, 2015
Opinion
DAHIL sa nakikitang pag-boom ng Entertainment City (none other done, Parañaque), naisipan ni Mayor Edwin Olivarez na itayo ang special investment district (SID) para sa kapakanan nang buong lungsod.
Sa pamamagitan umano ng SID, mapabibilis ang ang proseso ng mga transaksiyones kahit hindi na nila sadyain ang main city hall.
Sa huling tala, umabot na sa 20,000 ang business locators sa nasabing area na tinatayang P30 bilyones ang annual gross sales.
Ilan sa malalaking negosyong makikita sa lugar ang Solaire Resorts & Casino, City of Dreams Manila Resort, Manila Bay Resorts, Tiger Resort & Leisure and Entertainment, Resorts World Bayshore City na pagtatayuan umano ng Marriott, Sheraton, Hillton, and Weston Hotel.
Nagpapatayo na rin ang Ayala Land Inc., ng shopping mall na tinatayang mas malaki pa sa Mall of Asia.
Ayon kay Mayor Olivarez, lahat ng kikitaing buwis sa SID ay ilalaan sa mga batayang serbisyo gaya sa libreng health care, kalusugan at murang pabahay.
Mabuhay ka Mayor Olivarez!
Babala: Mag-ingat sa modus operandi ng DSF Hauswork Employment Agency (Attention: DOLE)
ISANG employment agency ang inireklamo sa atin ng isa nating kaanak upang mapag-ingat ang publiko.
Ito ‘yung DSF Hauswork Employment Agency na may address sa Casimiro Town-homes, Blk2 L58 Casimiro Ave., Brgy. Zapote, Las Piñas City.
Dahil kailangan ng healthy diet, isang kaanak natin ang kumuha ng cook sa isang employment agency.
Nakakuha naman siya at ipinagmalaki pa ng DSF na international cook daw ang capacity ng babeng ipinadala sa kanila.
Aba ‘e nang makita no’ng babaeng international cook ‘kuno’ ‘yung kusina na ipagagamit sa kanya, biglang nangarag at ninerbiyos.
Saka biglang umamin na hindi naman pala siya talaga international cook. Tinuturuan lang daw sila ng isang alyas Angie na magsinungaling para makakuha ng employment.
Dahil nabisto ang modus operandi, nagpadala ng kapalit ang DFS pero lalo lang nabuwisit ‘yung kaanak natin dahil diabetic, mabagal kumilos at laging nangangalay ang kamay ang ipinalit.
Sa awa ng kaanak natin, pinayagan pang makapag-advance ng P10k kasi magpapagamot daw, pero hayun, hindi na bumalik.
Ito na ang matindi, kapag tumatawag sa opisina ng DFS para sa replacement ang lagi nang isinasagot ay WALA pa raw available na cook at maid.
Sonabagan!!!
Mabilis lang maningil ng employment fee pero bulok naman ang serbisyo!
Sa totoo lang, masyadong masama ang modus operandi ng DFS. Kaya nanawagan po tayo sa publiko na pakaiwasan ang DFS Hauswork Employment Agency.
Magugulangan na kayo, mai-stress pa kayo sa ipadadala nilang tao.
Paging Department of Labor and Employment Agency (DOLE) ano ba ang ginagawa ninyong action sa mga ganitong klaseng ahensiya?!
When it rains, it pours
Walang tigil ang ‘Parating’ sa BI-OCOM
DOJ Sec. Leila de Lima, alam mo ba na lagi raw masaya ngayon sa Bureau of Immigration Office of the Commissioner (BI-OCOM).
Bakit po ‘ika n’yo?
Aba ‘e kahit mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) ang pagtanggap ng regalo sa iba’t ibang anyo o pamamaraan ‘e parang ulan daw na walang tigil ang pagbuhos ng grasya sa BI-OCOM.
Kahit walang okasyon o kahit walang birthday, maya’t maya umano ang dating ng mga pagkain sa BI-OCOM. At hindi basta pagkain daw, mga espesyal na masasarap na pagkain!?
‘Yun bang tipong when it rains it pours?!
Kaya naman wala raw ‘magawa’ ang mga taga-BI-OCOM kundi ang maglamunan nang maglamunan dahil nakahihiya umano sa mga nagpapadala sa kanila ng paglamon.
Kanino naman kaya galing ang nasabing mga FREE MEALS?
Kay Leah visa? Kay Betty fixer o kay Annie fixer?!
Pakisagot na nga po, BI-OCOM COS Norman Tan-5!
Illegal quarry sa Sitio Bato Brgy. Guyong Sta. Maria, Bulacan (Paging: DENR Sec. Ramon Paje)
SIR JERRY, bakit hndi mapatigil ang ilegal na quarry sa Sitio Bato, Brgy. Guyong, Sta. Maria, Bulacan. Kapag may inspection ang DENR o ano mang ahensiya ng gobyerno, itinatago lang ang mga equipment sa Palmas at nakapagtataka dahil ilang araw bago ang inspeksyon naka-stop o hold na ang illegal quarry. Ginawa pang dumpsite ng basura ang malalalim na quary. Hindi ba health hazard ‘yan kung malapit sa mga re-sidente? Itago po ninyo email add ko.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com