MASAYA si Direk Louie Ignacio sa paggawa ng indie films. Matapos ang kanyang award winning movie na Asintado starring Aiko Melendez, dalawang project agad ang naging kasunod nito.
Sisimulan na ni Direk Louie ang latest indie niya para sa BG Productions International titled Mga Isda sa Tuyong Lupa. Ito ay isang advocacy film na ukol sa mga katutubong Sama Dilaut, mga taga-Zamboanga na dahil sa kaguluhan sa Mindanao ay na-resettle sa lahar area sa Mabalacat, Pampanga.
Isa pang movie niya ay Child Haus. Kinumusta namin kay Direk ang naturang pelikula. “I-yong Child Haus, post production na, scoring na kami. Pero tapos na, ready for showing na. And hopefully, mayroon nang masasalihan na festival sa abroad.”
Nabanggit din ni Direk Louie kung gaano siya ka-excited sa bago niyang pelikula na tinatampukan nina Barbie Forteza, Ronwaldo Martin, Gina Pareño, Ana Capri Roi Vinzon, Raquel Pareno, Jak Roberto, Kim Rodriguez , Rodjun Cruz, Suzette Ranillo. Felixia Dizon, Erika Yu, Benjie Felipe, at iba pa.
“Sobra! First time kong gagawin. Tapos ‘yung look pa, parang nacha-challenge ako kung paanong treatment ang gagawin. Of course excited ako, kasi yung cast ko, malaking tulong, ang gagaling nila,” nakangiting saad ng premyadong direktor.
Ano’ng masasabi niya sa producer ng BG Productions na si Ms. Baby Go na laging advocacy films ang ginagawa?
“Tinutukso ko nga siya e, sabi ko, siya ang bagong Mother Lily ng indie films. Kasi, tuloy-tuloy ‘yung pagpo-produce niya. Parang wala si-yang pakialam sa pera, pero alam niya ang advocacy na dapat gawin.”
So, mas naka-focus sa advocacy si Ms. Baby kaysa sa pera o sa tubo?
“Oo. Lahat ng movies niya, advocacy films. Itinutuloy niya kapag alam ni-yang may pupuntahan ang pelikula. ‘Yun ang maganda sa producer namin dito.
“Like this one, etong Mga Isda sa Tuyong Lupa. Iyong mga kapatid natin sa Mindanao, umalis sila roon sa lugar nila kasi sobrang gulo, parating may giyera sa Mindanao. Apektado sila pati yung pag-hahanapbuhay nila, kaya ang ginawa nila’y lumipat sila ng ibang lugar.
“Palipat-lipat sila hanggang mabigyan ng settlement. From there, ang daming malalamang mga elements sa kanila like hindi pala nila alam ang mga birthday nila, wala silang birth certificate ,e, mga ganoon …Ganoon kasalimuot ang sitwasyon nila,
“Na parang hindi sila Filipino… na, alam ba ng gobyerno ‘to? Na hindi pala sila puwedeng ilibing sa Catholic cemetery ng basta-basta dahil ire-refuse sila.
“So, medyo nakaka-touch para sa isang Filipino na ganoon pala sila sa kanilang sariling ba-yan,” mahabang saad pa ni Direk Louie.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio