IDOL ng newcomer na si Ronwaldo Martin ang kanyang Kuya Coco Martin, kaya naman gusto niyang sundan ang yapak nito sa showbiz. “Opo, gusto kong sundan ang yapak niya. Dahil idol ko siya e, magaling kasi siya,” saad ni Ronwaldo.
“Gusto ko po ay iyong parang bad boy, ‘yung parang si Robin (Padilla). Ang idol ko po kasing artista, si Kuya at si Robin, e. Gusto ko sana pong role, ‘yung medyo astig na magaling sa acting-an e,” wika niya nang usisain namin ukol sa klase ng role na gusto niyang gampanan.
Sa ngayon ay nalilinya sa indie si Ronwaldo, although kinukuha siya ng ABS CBN para gumanap sanang batang Coco sa forthcoming TV series na Ang Probinsiyano. Subalit mas ginusto raw ni Coco na mahasa muna sa indie films ang kanyang nakababatang kapatid.
Si Ronwaldo ay nakagawa na ng apat na pelikula, kabilang dito ang Captive ni Direk Brillante Mendoza, Kasal, Tumbang Preso at Ari (King of Nothing).
Sa ngayon ay nakatakda niyang gawin ang pelikulang Mga Isda sa Tuyong Lupa ng BG Productions International na mula sa pamamahala ni Direk Louie Ignacio. Ito ay isang advocacy film ukol sa mga katutubong Sama Dilaut, mga taga-Zamboanga na itinuturing na sea gypsies. Na dahil sa kaguluhan sa Mindanao ay na-resettle sa lahar area sa Mabalacat, Pampanga.
Ang papel ni Ronwaldo dito ay si Adil, isang Badjao na lola si Gina Pareño at nanay si Ana Capri. Katambal niya rito ang Kapuso aktres na si Barbie Forteza. Kasama rin sa pelikula sina Roi Vinzon, Raquel Pareño, Jak Roberto, Kim Rodriguez , Rodjun Cruz, Suzette Ranillo. Felixia Dizon, Erika Yu, Benjie Felipe, at iba pa.
Sinabi ni Dennis Evangelista ng BG Productions na balak daw kayong pagsamahin sa pelikula ni Coco, anong masasabi mo rito?
“Kung matutuloy po iyon, siyempre naman po sobrang magiging excited po ako. Ang isa kasi sa pangarap ko rin talaga, ang makasama si Kuya sa isang movie, e,” saad pa ng 18 year old na si Ronwaldo
Nabanggit din niya ang payo sa kanya ni Coco sa pagpasok sa showbiz at ang tip na ibinigay sa kanya sa pag-arte. “Payo po ni Kuya, iyong pagiging professional po, importante raw po iyon. Kailangan daw ay hindi nale-late… ‘yun po.
“Tip po sa acting? Mayroon din po, sabi niya po na dapat daw ay maging natural lang ako, natural daw ‘yung pag-acting,” nakangiting pahayag pa ng talent ni Ferdie Lapuz.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio