TATLUMPONG (30) composite inspectors ang binuo ng pamunuan ng lungsod ng Caloocan sa pakikipagtulungan sa mga national agencies upang mapabilis ang pagsasagawa ng inspeksyon ng mga negosyo/establisyemento sa nasabing lungsod.
Nagsimula na kahapon June 9, 2015 ang masusing inspeksyon sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine National Police (PNP) at Caloocan City’s Office of the Building Official (OCBO).
Ayon kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, ipinag-utos niya ang masusing inspeksyon upang hindi na matulad sa trahedyang naranasan ng Valenzuela City makaraang tupukin ng apoy ang pabrika ng tsinelas na nagresulta sa pagkamatay ng 72 trabahador.
Tututukan ng mga inspector ang paglabag sa fire code, labor code at building code na tatagal ng sampung araw.
“Ibig sabihin tutok tayo sa fire hazards, fire detection, fire-fighting equipment, fire escapes, building easements at structural integrity to protect the safety of the workers, kasama na ang tungkol sa pasuweldo, mga benepisyo na ibinibigay ng mga employer sa kanilang mga manggagawa,” ani Malapitan.
Idinagdag ng mayor na labinlimang (15) araw ang kanilang ipagkakaloob kung sakaling may makitang violations sa mga kompanya upang maitama ito at kung hindi ay mapipilitan silang ipasara ang negosyong lalabag.
Kaugnay nito, inianunsiyo ni Malapitan na tatlumpong (30) engineers mula sa OCBO ang sumailalim sa training upang mapataas ang kakayahan sa pagsusuri sa integridad ng mga estruktura laban sa lindol at iba pang kalamidad.
Rommel Sales