LUSOT na sa committee level ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) si Commission on Audit Chairman Michael Aguinaldo bilang kapalit ng nagretirong si CoA chair Grace Pulido-Tan.
Walang oposisyon sa kompirmasyon ni Aguinaldo.
Ngunit bago irekomenda ang kompirmasyon, pinaalalahanan muna ni Rep. Rudy Fariñas si Aguinaldo na huwag hayaang magamit siya o ang CoA bilang oppression tool.
Kompiyansa si Fariñas kay Aguinaldo bilang BAR topnotcher na hindi pagagamit o padidikta kanino man.
Samantala, nakompirma na rin ang appointment ni Comelec Commissioner Rowena Amelia Guanzon.
Ito’y makaraan unang ipinagpaliban ang deliberasyon sa appointment ni Guanzon.
Sa deliberasyon kahapon ng CA committee on Constitutional Commissions and Offices, nasilip agad ni Fariñas ang mga isinumiteng Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ni Guanzon na walang mga peso or dollar signs.
Mayroong account si Guanzon na mahigit 200,000 ngunit hindi raw maintindihan ni Fariñas kung dollar o peso ang nasabing halaga.
Dahil dito, hindi na muna pinalawig pa ang pagtatanong kay Guanzon.
Para kay Fariñas, incomplete ang dukomento ni Guanzon.
Ngunit dakong hapon ay inaprubahan ng Commission on Appointments ang appointment ni Guanzon bilang commissioner ng Comelec.
Cynthia Martin/Niño Aclan