HINDI lamang mga kapwa estudyante na bully ang dapat sakupin ng batas kontra bullying kundi maging mga guro na namamahiya o nananakit ng kanyang mga mag-aaral, pahayag kahapon ni Senador Sonny Angara.
Dahil dito, isang panukalang batas ang isinusulong ng senador sa Mataas na Kapulungan na aamyenda sa RA 10627 o Anti-Bullying Act of 2013.
“Nagsisilbing pangalawang magulang ng ating mga anak ang kanilang mga guro. Sa kanila natin ipinagkakatiwala ang kaligtasan at kaayusan ng mga bata. Pero nakalulungkot na may mga teacher tayo na nangunguna pa sa pamamahiya sa ating mga anak. Liban dyan, ipinakikita pa nila sa harap ng klase ang pagpaparusa sa isang batang may nagawang pagkakamali. Hindi natin dapat ipagsawalang-bahala ito. Kaya ngayon, itinutulak natin ang pagpapalawak sa anti-bullying law at kaakibat nito ang pagpapataw ng parusa sa mga ganitong uri ng guro,” ani Angara, pangunahing may-akda ng Anti-Bullying Act.
Sa isang pag-aaral, nabatid ni Angara na bagama’t may mga teacher na umaaming nambu-bully ng kanilang mga estudyante, hindi raw ito nabibigyan ng kaukulang aksyon at hindi nareresolba.
Aniya, sa kabuuang 116 teachers na sumailalim sa isang survey, 45 ang umaming naging bully sa mga estudyante.
Ani Angara, base sa umiiral na batas ng Department of Education (DepEd Order No. 40, series of 2012), mahaharap sa kasong administratibo ang mga gurong mapatutunayang namahiya, nanigaw o nagparusa sa kanyang mga estudyante sa harap ng klase.
Cynthia Martin