MARIING pinalagan ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson ang panukalang pagpapalaya sa isang kidnaper na nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong sa kasong kidnap-for-ransom ng dalawang Ateneo de Manila students noong 1994.
“I’m concerned that granting him executive clemency for that crime may send a wrong signal to the victims who, I was told, remain traumatized by the incident,” ani Lacson.
Tinutukoy ni Lacson ang nakaambang paggagawad ng executive clemency o parole kay Roque Galarde, isa sa mga na-convict na kidnapper ng magkapatid na Paolo at John Bellosillo noong August 9, 1994 sa Quezon City.
Naikonsiderang ma-bigyan ng parole si Galarde sa isang meeting ng Board of Pardons and Parole ng Department of Justice noong nakaraang May 12.
Nanawagan din si Lacson sa iba pang anti-crime groups at Filipino-Chinese community na iparating sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa pagpapalaya kay Galarde.
Ayon sa rekord ng korte, pwersahang dinukot ni Galarde at mga kasapakat nitong sila Alma Galarde at Kil Patrick Ibero ang magkapatid na Bellosillo kasama ang mga yaya nitong sina Dianita Bebita at Janilyn Dumagpi at driver na si Antonio Paquera sa Sct. Limbaga St., habang sila ay patungo sa paaralan.
Iginapos at binusalan ng mga kidnapper ang mga biktima sa kanilang safehouse at nanghingi ng P10 milyong piso mula sa pamilya ng mga Bellosillo kapalit ng kalayaan ng dalawa.
Pinalaya ang mga biktima sa Novaliches dalawang araw matapos makapagbayad ang pamilya ng halagang P410,000 at P80,000 halaga ng mga alahas sa mga kidnapper.
Sa ginawang follow up operations ng Presidential Anti-Crime Commission na noo’y pinamumunuan ni Lacson, nasakote ang grupo Galarde at nasamsam ang ilang matataas na kalibre ng armas kabilang na ang dalawang M-16 rifles, dalawang rifle grenades at mga bala.
Si Galarde ay nahatulan ng Quezon City regional trial court ng reclusion perpetua sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ito’y kinatigan ng Court of Appeals noong Nobyembre 2005 at ng Supreme Court noon Abril 2007.
Bukod sa kidnapping, nahatulan din sa kasong illegal possession of firearms sina Alma Galarde at Ibero.