HINDI pa titigil sa pag-arangkada ang San Miguel Beer na naghahangad na pahabain pa ang winning streak kontra NLEX sa kanilang salpukan sa PBA Governors’ Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na 4:15 pm, magbabawi ang Alaska Milk at KIA Sorento sa pagkatalong sinapit sa huling laro nila.
Nakabangon ang Beermen sa kabiguang sinapit sa unang dalawang laro at nagposte ng limang sunud-sunod na tagumpay. Ang huli nilang tinalo ay ang Barangay Ginebra, 100-85.
Tinambakan naman ng NLEX ang Alaska Milk, 113-102 noong Martes upang umangat sa 2-4.
Sa larong iyon ay kumamada si Kwame Alexander ng 26 puntos at 11 rebounds. Biglang gumanda ang laro ni Alexander nang mabalitaan niyang dumating sa bansa ang dating NLEX import na si Josh Dollard.
Matindi rin ang naging performance ni Michael Madanly na nagtala ng PBA career-high 28 puntos bukod sa siyam na rebounds at limang assists.
Sina Alexander at Madanly ay sinusuportahan nina Paul Asi Taulava, Enrico Villanueva, Jonas Villanueva, Mark Cardona at Nino Canaleta.
Ang Beermen ay pinamumunuan ni Arizona Reid na tinutulungan naman nina June Mar Fajardo, Arwin Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter at Chris Lutz.
Bunga ng kabiguan sa Road Warriors ay hindi nakasosyo ng Aces sa unang puwesto ang Barako Bull at lumagpak sila sa 4-1.
Ang KIA ay galing naman sa 89-80 pagkatalo sa nagtatanggol na kampeong Star Hotshots sa Angeles University Foundation gym sa Pampanga noong Sabado. Bumagsak ang KIA sa 3-2.
Ang Aces ay sumasandig sa import na si Romeo Travis na nakakatuwang nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Joaquim Thoss at Dondon Hontiveros.
Ang KIA ay pinamumunuan ng 7-1 Seegalese import na si Hamady N’Diaye at Asian reinforcement Jet Chang. Sila ay sinusuportahan nina LA Revilla, Leo Avenido, Rich Alvarez, Mark Yee at Alex Nuyles.
(SABRINA PASCUA)