SASAILALIM sa security assessment ng United States-Transportation Security Administration (TSA) ang pangunahing paliparan ng bansa, mula ngayong araw.
Umaasa ang Manila International Airport Authority (MIAA), ang operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na magiging positibo ang resulta at makapapasa sa pagsusuri ng US TSA.
Sisilipin sa sa assessment kung sinusunod ng NAIA ang safety standards na regulasyon ng International Civil Aviation Organization.
Kabilang din sa sasailalim sa inspeksyon ang airline operations at ang kani-kanilang ground handlers, mula Miyerkoles hanggang Huwebes.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Jose Angel Honrado, regular na nire-review ng TSA ang mga airline lalong-lalo na ang mayroong flights patungong US.
Ilan sa mga airline at ground handling firms na nakilahok sa inspection ang Cathay Pacific, Philippine Airlines, EVA Air, United Airlines, UA Cargo, Federal Express United Parcel Service Clark, Delta, Miascor, Sky Kitchen Philippines Incorporated, at PAL Cargo.
Isusunod sa assessment ang NAIA operations sa darating na Hunyo 1 hanggang 3, para suriin ang terminal at ramp access control; security screening; quality control; command center; aircraft at cargo operations.
Inaasahang sisimulan ng US team na pagsama-samahin ang mga nakita sa inspeksyon o findings sa Hunyo 4, ayon sa MIAA.
Tiwala si Honrado na makapapasa ang NAIA sa inspection, dahil sa pagsisikap na mapabuti ang passenger security sa nasabing paliparan.
Aniya, noon lamang Nobyembre ng nakaraang taon nang huling sumailalim sa assessment ang NAIA at pasado sa international standards.
“MIAA maintains a positive disposition that the airport will again pass the inspection,” ani Honrado.
Kabilang sa mga bagong proyekto ng NAIA ang inaasahang pagdating sa susunod na buwan ng mga bagong body scanners ay CCTVs na maikakabit sa susunod na taon.
Ang final assessment report ay ibibigay sa Department of Transportation and Communication sa pamamagitan ng Office for Transport Security.
Wala pa rin petsa kung kailan matatapos ang report, ayon sa MIAA.
Gloria Galuno