HINIHINALANG ginahasa muna bago pinatay ang isang 69-anyos retiradong accountant na natagpuang walang buhay sa loob ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Duguan, punit-punit ang damit at walang saplot na pang-ibaba ang biktimang kinilalang si Rodora Cabalitan, retired accountant ng Commission on Audit (CoA), at residente ng Block 4, Kamada Torcillo, Brgy. 28 ng nasabing lungsod, nang matagpuan sa ikalawang palapag ng kanyang bahay.
Batay sa ulat ni PO3 Michael Anthony Ramirez, dakong 9 p.m. nang matagpuan ang nakahandusay na biktima sa mga tambak ng lumang diyaryo.
Salaysay ni Emily Rufong, 51, kapitbahay ng biktima, noong Mayo 19 pa nila huling nakita ang biktima kaya nagtaka sila nang hindi na lumabas ng bahay dahil mag-isa lamang ang ginang na namumuhay mula nang makipaghiwalay sa asawa at wala silang anak.
Kasama ang mga barangay tanod, sinilip nila ang bahay ng biktima at nakitang wala nang buhay ang ginang.
Ayon sa ilang kaanak ng biktima na dumating sa pinangyarihan ng insidente, walang naikukuwento si Cabalitan na may nakaaway o nakagalit sa lugar.
Patuloy na sinisiyasat ng mga awtoridad kung may nawala sa mga gamit o pera ng biktima at inaalam kung sino ang maaaring suspek sa krimen.
Rommel Sales