MUKHANG nagkamali ng destinasyon ang dalawang Airport police at isang security guard na naitalaga d’yan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.
Bakit ‘kan’yo?!
Aba ‘e sa asal at gawi nitong tatlong kamoteng may ulalo na ‘to ‘e hindi sila nararapat na italaga sa isang ahensiyang itinuturing na window of the world ng ating bansa.
Bastos, arogante at walang konsiderasyon ang dalawang airport police na kinilalang isang AP ESTRELLA at AP ANTONIO; at sinahugan pa ng isang isang security guard na si FRANCISCO.
Kamakalawa, isang KABULABOG natin ang sumundo sa kanyang Nanay sa NAIA Terminal 1.
Ang usapan nila kapag palabas na, saka umakyat sa rampa (departure area). Dahil hi-tech na ang mundo ngayon, isang ring or text lang nagkaalaman na ang mag-ina. Papalabas na sa terminal 1 ang nanay, paakyat naman sa rampa ang anak na susundo.
Heto na, paghinto sandali ng sasakyan ng anak para sunduin ang ina, biglang lumapit ang tatlong kamoteng may ulalo na sina Estrella, Antonio at Francisco, at sinita ang sasakyan.
Bawal daw pumarada doon.
Ay kamote talaga, paparada ba?! Puwede bang pumarada sa harap ng NAIA terminal 1?!
Kaya nagpaliwanag ang Kabulabog natin: “Susunduin ko lang po ang Nanay ko, ayan na, palabas na po.”
Pero hindi natin alam kung ano ang ‘tinira’ ng dalawang Airport police at sekyu na parang nanlilisik ang mga mata at hindi matigil-tigil ang pang-aasik sa kaanak natin.
Hindi lang kinuyog kundi nagmumura pa ang tatlong kamote sa pobreng driver.
Grabe sa kabastusan ‘yung tatlong kamote. Hindi man lang muna nagtanong kung ano o sino ba ‘yung hinihintay ng kaanak natin at bigla na lamang nagtatatarang sa pagsita.
‘E paano pala kung anak ng heneral o congressman ‘yang susundo ng nanay niya?!
‘E di umikot na naman ang mga puwet ninyo sa kapapaliwanag!
Idadamay pa ninyo ang boss ninyong si Major Gen. Vicente Guerzon, Jr. sa kagaguhan n’yo!
Kahit anong pagpapaganda at pag-aayos ang gawin ni GM Jose Honrado sa NAIA terminal 1 kung ganyan namang arogante, bastos at walang kabutihang asal ang ilang Airport police at security guard, hindi rin magiging epektibo.
Gumanda man ang estruktura ng NAIA T1 pero ang mga tao sa paligid ay bastos at walang modo, anong saysay nang ganoon?
Worst airport pa rin ang paliparan natin!
M/Gen. Guerzon, puwede bang pakiimbestigahan mo ang kabastusan ng dalawang Airport police na sina Estrella at Antonio, kasama ang sekyung si Francisco?!
Makikita naman sa CCTV ang kaangasan ng tatlong bugok na ‘yan!
Malaking kasiraan ‘yan sa inyong pamumuno kung hindi ninyo sila mare-reprimand.
Aba ‘e sayang ang mga effort mo, Gen. Guerzon.
Sen. Sonny Trillanes kontrabida raw sa pamilya Binay?! (Bida naman sa sambayanan)
‘YAN daw po ang bintang ni Senator Nancy Binay sa kanyang kapwa mambabatas na si Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Pero para naman sa maraming naniniwala kay Sen. Trillanes, ‘di bale nang kontrabida sa mga Binay, bida naman sa sambayanan.
Yes!
Bida si Senator Trillanes sa sambayanan, dahil siya lang ang nagkalakas ng loob na i-expose ang mga iregularidad na kinasasangkutan umano ng pamilya Binay.
Kaya hindi na nakapagtataka kung trabahuin man ng mga upahang political operator ngayon si Sen. Trillanes.
Ang una na ngang iniupak kay Sen. Trillanes ay ‘yung Senators’ consultancy services.
Si Sen. Trillanes umano ay may pinasusuweldong consultant sa halagang P94 kada buwan. At hindi rin daw kukulangin sa 60 consultants ang naka-payroll sa kanyang tanggapan.
Pero kahapon ay nagpahayag si Sen. Trillanes na, batay sa kanilang record, WALA silang consultant na pinasasahod ng P94 at lalong hindi 6o ang consultants na naka-payroll sa kanyang tanggapan.
Kung ‘yan pong consultancy fee ang ibabato at ibubutas kay Sen. Trillanes, aba, malinaw po na malayong-malayo ‘yan sa milyon-milyong overpriced at sandamakmak na bank accounts ng mga Binay.
Kayo na ang humusga, mga suki.
Bonus ng Las Piñas teachers wala pa rin (Brigada Eskwela ginawang cash donation)
ISA po akong public school teacher dito sa Las Piñas. Gusto ko lang po ireklamo ang late na pag-release ng bonus namin. Dapat on or before May 15 ang date ng release ng bonus ng mga teachers. May nag-release nang maaga at merong hindi pa. May mga school na na-release na ‘yung bonus thru ATM/cash na hindi na kelangan ng clearance at meron din school na ayaw i-release ang bonus kpag walang clearance. Dito sa skul namin, nag-ayos ng clearance ang teachers, and then no’ng pumunta na sila sa skul kung saan sila naka-plantilla para ibigay ang clearance e ‘di na raw kelangan nakapasok sa ATM/ready na ‘yung cash. Ibig sabihin, kahit walang clearance dapat i-release ang bonus. Benefits ng teachers ‘yan, hindi dapat i-hold. Iisang division lang ang Las Piñas pero hindi pare-pereho ang sistema. Ano bang purpose ng clearance ‘e hindi naman kami aalis ng bansa or tatakas sa trabaho? Naging sistema na kasi rito sa Las Piñas ang no clearance no bonus which is mali. Ang ibang division nag-release kaagad ng bonus kahit walang clearance pero ang ibang skul sa Las Piñas nganga kpag wala. Dagdag na rin po, ‘yung brigada dito sa skul namin iba. Imbes tulungan, donation na pera ang ibinibigay. Sana mai-convert sa materials ‘yung pera kasi lagpas 10k ang nai-donate.
– Las Piñas public school teacher
Hanga sa Magdalo Party-List
Dear Sir, hanga ako sa mambabatas na may paninindigan katulad na lang ni Rep. Ashley Acedillo ng Magdalo Party List. Tama siya, huwag munang magkaroon ng botohan sa plenar-yo hanggang hindi pa nasasampahan ng kaso ang lahat ng pumatay sa Fallen 44.
Masusubukan natin kung talagang sinsero ang MILF na sumunod sa Rule of Law ng bansang Pilipinas. Kung talagang isusuko nila ang kanilang mga tauhan na may kagagawan sa sinapit ng Fallen 44 sa enkwentro sa Mamasapano na magpahanggang ngayon ay wala pang hustisyang nakakamit.
Bakit naman hindi katanggap-tanggap sa MILF ang walong major amendments na ginawa ng mga kongresista sa isinusulong na Bangsamoro Basic Law? Dapat ipaliwanag din nila ang kanilang puntos nang sa ganoon magkalinawagan ng mabuti. Nadadaan naman ang lahat sa paliwanagan. Kung katanggap-tanggap sa magkabilang panig e ‘di go ang BBL?
-SEBASTIAN A. GARAY, Ipil, Zamboanga del Norte
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com