SUGATAN ang 30 pasahero karamihan’y mga bata makaraan maputukan ng gulong ang sinasakyan nilang jeep hanggang salpukin ito ng dalawang pampasaherong bus sa Las Piñas City, kahapon.
Agad isinugod ang mga sugatan sa San Juan De Dios Hospital.
Sa sketchy report ng Las Piñas City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong 12:20 p.m. sa Northbound lane ng Coastal Road ng naturang lungsod.
Sakay ang 30 pasahero sa isang jeep (CHR-487) mula sa Cavite makaraan makipaglibing, ngunit habang binabagtas ang naturang lugar ay pumutok ang kanang gulong nito dahil overloaded.
Sa lakas ng impact, nagpagulong-gulong ang jeep dahilan upang masalpok ito ng paparating na Saulog Transit (ULW-696) na minamaneho ni Romnick Quitor.
Muling nagpagulong-gulong ang jeep at nasalpok ng isa pang paparating na bus, ang Jaspor Gem (TYP-886) na minamaneho ni Pedrico Gimona.
Agad tumakas ang driver ng jeep habang ang driver ng dalawang bus na sina Quitor at Gimona ay kapwa nasa kustodiya na ng Las Piñas City Traffic Enforcement Unit.
Jaja Garcia