PATAY ang isang 22-anyos lalaki makaraan saksakin ng security guard nang mapagbintangang magnanakaw sa loob ng compound sa R10, Tondo, Maynila kamakalawa.
Binawian ng buhay habang dinadala sa Tondo Medical Center ang biktimang si Jay-ar Malong, walang asawa, jobless, at nakatira sa 344 Camia Street, Velasquez, Tondo, Maynila sanhi ng saksak sa dibdib.
Habang tinutugis ng mga pulis ang suspek na si SG RM Villaruel, 40 hanggang 45-anyos, 5’2 hanggang 5’4 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, at stay-in sa Gothong Trucking Company sa R10, Tondo.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila Police District Homicide Section, dakong 5:30 p.m nang maganap ang insidente sa loob ng trucking company sa nabanggit na lugar.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng nakawan sa loob ng kompanya ng kable ng koryente kaya nang makita ng suspek ang biktima sa loob ng compound ay agad kinompronta.
Humantong ito sa pagtatalo hanggang sa maglabas ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.
Nagawa pang makauwi sa kanilang bahay ang biktima at humingi ng tulong upang maisugod sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay.
Leonard Basilio